DAVAO CITY – Sa kabila ng matinding kampanya ni Mayor Rordigo Duterte laban sa krimen, hindi nakaligtas ang siyudad na ito sa kontrobersiyal na “tanim bala” scam sa mga airport.
Nitong Biyernes, inaresto ang isang Engr. Augusto Dagan matapos matagpuan mula sa kanyang bagahe ang dalawang bala sa Davao City International Airport—ang unang insidente na may nadiskubreng bala sa bagahe ng isang paalis sa paliparan, na sunud-sunod na naiuulat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa media reports, natagpuan ng dalawang security screening officer sa Davao airport ang dalawang bala ng .9mm sa bulsa ng luggage ni Dagan, kaya dinala ang 60-anyos na inhinyero sa himpilan ng Sasa Police para imbestigahan.
Mula sa Maynila, dumating dito si Dagan nitong Lunes para magsagawa ng ocular visit sa isang higanteng water supply project sa lungsod. Paalis na siya kamakalawa ng umaga at pasakay na sa Philippine Airlines patungong Maynila nang mangyari ang insidente.
Sa imbestigasyon, itinanggi umano ni Dagan na sa kanya ang mga bala at nagsuspetsang inilagay lang ang mga iyon sa kanyang bagahe sa NAIA nitong Lunes.
Kinasuhan si Dagan, 60, Quezon City, ng illegal possession of ammunition at pansamantalang ikinulong sa himpilan ng pulisya bago pinalaya makaraang magpiyansa ng P150,000, ayon sa media reports. (Ali G. Macabalang)