KAHAPON ko lamang binisita ang aming maliit na bukirin sa isang bayan sa Nueva Ecija, halos dalawang linggo makaraang manalasa ang bagyong ‘Lando’. Bahagya pang nakalubog sa tubig ang malaking bahagi ng palayan na sa tingin ko ay hindi na pakikinabangan; ang mga butil nito ay mistulang nakabalot sa putik.
Hindi lamang kami, kung sabagay, ang naperwisyo ng naturang bagyo. Katunayan, ang aming lalawigan na tinaguriang ‘Rice granary of the Philippines’ ay hindi pa ganap na nakababangon sa nasabing bagyo na gumiba sa mga bahay at sumira sa iba pang agricultural products. Dahil dito, tiyak na ang magsasaka ay dadanas ng ibayong paghihirap bunga ng pagkapinsala ng mga palayan na kanilang ikinabubuhay.
At dahil din dito, hindi kailangang magpaumat-umat ang administrasyon sa pagsaklolo sa mga biktima ng nakaraang kalamidad. Ngayon na ang panahon upang pagkalooban ng agricultural subsidy ang mga magbubukid upang matamnan kaagad ang mga napinsalang bukirin. Kailangan nila ang mga binhi tulad ng hybrid seeds na hindi lamang madaling pag-anihan kundi matatag pa sa anumang sama ng panahon.
Kailangang madaliin ang implementasyon ng crop insurance system upang mabawi naman kahit paano ng mga magsasaka ang kanilang ginastos. At sa mga magbubukid na walang crop insurance, marapat na sila ay pagkalooban ng subsidy bilang paghahanda sa mga paparating na bagyo at baha.
Hindi magiging malaking problema ang pagbibigay ng mga nabanggit na kaluwagan. Lagi nating iminumungkahi na ibuhos sa mga magsasaka ang pondo mula sa bilyun-bilyong pisong conditional cash transfer fund. Ang mga ito, bukod pa sa nakalaang agricultural funds, ay magagamit sa pagkakaloob ng kailangang abono at rehabilitasyon ng mga irigasyon na napinsala ng bagyo. Kaakibat dito ang hindi pagsingil ng irrigation fee sa mga magsasaka.
Hindi nakapanghihinayang ayudahan ang mga magsasaka na itinuturing nating ‘backbone of the nation’. Sila ang susi sa pagkakaroon ng sapat na produksiyon para sa kaunlarang pangkabuhayan ng bansa. Marapat lamang madaliin ang pagsaklolo sa kanila. Napipinto na ang second crop season o ang tinatawag na sabog-tanim.