Ngayong malapit nang matapos ang kanyang anim na taong termino sa 2016, sinabi ni Pangulong Benigno S. Aquino III na hindi pa rin siya kumbinsido sa panukalang palawigin ang kanyang pananatili sa puwesto dahil maaari aniya itong mauwi sa pagbabalik ng diktadurya sa bansa.

Muling binuhay ng Pangulo ang usapin tungkol sa term extension ngunit nagbabala tungkol sa delikadong epekto nito, sa graduation ceremony ng Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City kahapon.

“Bagaman nakita nating posibleng may benepisyo kung ipagpapatuloy natin, may kaakibat itong panganib. Dahil baka dumating ang panahon na kapag bumaba na ako sa puwesto, isipin ng papalit sa akin na puwedeng panghabambuhay na siya sa katungkulan,” anang Pangulo.

“Ayaw naman nating maulit ang nangyari sa ating kasaysayan na may namuno mula 1965 hanggang pinatalsik siya noong 1986,” dagdag pa ni Pangulong Aquino, tinukoy si yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos, na pinatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng EDSA People Power Revolution halos tatlong dekada na ang nakalilipas.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Inihalal ng karamihan sa mga Pilipino noong Mayo 2010, matatapos ang termino ni Pangulong Aquino sa 2016. Alinsunod sa Konstitusyon, anim na taon lang manunungkulan ang pangulo ng bansa at pinagbabawalan ito sa re-election.

Matatandaang noong nakaraang taon ay ipinanukala ang term extension para kay Pangulong Aquino ng mga tagasuporta niya, kabilang si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, ngunit natukoy sa opinion polls na tutol dito ang maraming Pinoy.

“May mga nagmungkahi at nagmumungkahi pa rin: Bakit di na lang ulitin ang termino raw at ituloy ang pagbabago sa ating pamumuno?,” anang Pangulo.

“Sa mga nagtatanong kung sino ang magpapatuloy sa maganda nating nasimulan: Walang iba kundi ang nagkakaisang sambayanan na nagpapamalas ng malasakit sa isa’t isa.

“Ang transpormasyong ito ay nagmula sa taumbayan na nagbigay ng pagkakataon sa aking makapaglingkod nang totoo; kaya’t taumbayan rin ang magpapatuloy nito,” dagdag pa ng Presidente.

“Sa pag-aaruga ng sambayanan sa mga tunay na nagmamalasakit sa kanila, at sa pagpili ng mga pinunong talagang kumakatawan sa kanilang mga adhikain, kumpiyansa ako na ang lahat ng pinagtulungan nating tagumpay ay simula lamang ng tuluyang pagpapaganda at pagsasaayos ng ating lipunan,” sabi pa ni Pangulong Aquino. - GENALYN D. KABILING