Walang nakikitang mali si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa inlabas na ulat ng Board of Inquiry (BoI) ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa Mamasapano massacre.

Ayon kay Marcos, pinahanga siya ng BoI dahil hindi ito napulitika at nanaig ang kanilang dedikasyon na lumabas ang katotohanan.

“We must give credit to them because they did not think about politicking for their promotion. All they kept in mind was to bring out the truth. That’s why I salute them,” ayon kay Marcos.

Aminado naman ito na hindi lahat ay natutuwa at marami pa rin ang magbibigay ng kanya-kanyang opinion hinggil sa ulat nito.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Nauna ng sinabi ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na dapat managot sa insidente sina suspendidong PNP Chief na si Director General Alan Purisima at dating Special Action Force (SAF) Director Getulio Napeñas, sa pagkamatay ng 44 SAF trooper.

Aniya, malinaw sa ulat ng BoI na sadyang inilihim ng dalawa ang operasyon kay Roxas at PNP Officer-in-charge Deputy Director General Leonardo Espina, kaya hindi nagkaroon ng maayos na koordinasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Malinaw din , aniya na binalewala ng dalawa ang bilin ni Pangulong Aquino kina Napeñas at Purisima na makipagkoordinasyon sa AFP.

Sa pananaw naman ng Liberal Party (LP) malinaw daw na walang kinalaman si Pang. Aquino sa insidente batay na rin sa lumabas sa BoI.

Ayon kay LP Quezon City Rep. Christopher Belmonte, bagamat pinayagan ng Pangulo ang operasyon, hindi naman daw ito nasunod ni Napeñas.

Aniya, malinaw din sa ulat ang mga maling impormasyon na ibinigay ni Purisima at Napeñas kay PNoy.

Pero sa pananaw ni Senator Serge Osmeña, hindi kumpleto at lumalabas na “cover up” ang ulat dahil hindi naman daw nakunan ng salaysay si PNoy at iba pang mataas na opisyal ng pulisya at militar.

Iminungkahi pa nito na dapat hinango ng BOI report ang ilang dokumento mula naman sa Senado dahil nakapagbigay dito ng pahayag ang matataas na opisyal ng militar at pulisiya.