SAN ANTONIO (AP)— Gumawa si Kyrie Irving ng career-high na 57 puntos at nakabalik ang Cleveland Cavaliers matapos ang 128-125 overtime victory laban sa San Antonio Spurs kahapon.
Si Irving ang nakakuha ng pinakamaraming puntos sa NBA ngayong season, nalampasan ang kanyang 55-point game noong Enero 28. Umiskor siya ng 9 puntos sa huling minuto ng regulation upang mapuwersa ang overtime.
Naipasok ni Irving ang isang 3-pointer kahit pa naging mahigpit ang pagbabantay ni Danny Green upang hilahin ang Cleveland sa 110-107 sa huling 31 segundo ng regulation. Matapos magmintis si Kawhi Leonard ng Spurs sa dalawang free throws sa nalalabing 4.3 segundo, isa pang 3 ang naikasa ni Irving, kontra kay Leonard naman, upang itabla ang iskor sa 110.
Nakuha lahat ni Irving ang kanyang pitong 3-point attempts, 20-of-32 mula sa field sa pangkalahatan, at gumawa ng 10 free throws na walang mintis.
Nagdagdag si LeBron James ng 31 puntos sa kanyang unang laro sa AT&T Center mula nang matalo sa loob ng limang laro ng San Antonio sa NBA Finals sa kanyang mga huling laro para sa Miami Heat.
Si Tony Parker ay naglista ng 31 puntos para sa San Antonio habang nag-ambag naman si Leonard ng 24 puntos.
Umiskor si Irving ng 11 puntos sa overtime, kabilang ang isang crossover, fadeaway 3-pointer laban kay Boris Diaw sa nalalabing 1:20 upang ibigay sa Cleveland ang 122-118 na bentahe.
Si James ay 10-for-20 sa pisikal na labanan nila ni Leonard, ngunit ang kanyang paghihirap ay nabawasan dahil sa performance ni Irving.