Labing-apat na rebeldeng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang namatay habang siyam na sundalo ang sugatan sa magdamag na sagupaan sa Maguindanao kahapon.
Ayon sa ulat, apat na miyembro ng BIFF ang arestado sa engkuwentro.
Magkatuwang na sinalakay ng mga puwersa ng militar ang kuta ng BIFF sa mga bayan ng Datu Piang, Datu Salibo at Datu Saudi Ampatuan.
Gumamit ang militar ng dalawang M520 attack helicopter, dalawang fighter jet at isang Sokol chopper upang bombahin ang mga posisyon ng BIFF.
Matagumpay na nakubkob ng mga tauhan ng Ist Marine Battalion Landing Team (MBLT-1) ang dalawang kampo ng BIFF sa Barangay Dabinayan at Barangay Liab, Datu Piang.
Sinabi ni 6th Infantry Division Public Public Affairs Office Chief Capt. Jo-Ann Petinglay na kasama rito ang apat na kasapi ng BIFF ang nahuli na nakilalang sina Aladin Panaydan, 22; Daud Balogat, 23; Ebrahim Oraw, 40; at Abdul Madalidaw, 33, kung saan nasamsam mula sa kanilang ang iba’t ibang uri ng armas at kagamitan sa paggawa ng bomba.
Iniulat na dakong 2:00 ng madaling araw ay gumanti ang BIFF at sinalakay ang posisyon ng militar.
Dahil dito, binomba ng mga sundalo ang posisyon ng mga rebelde gamit ang 105 mm Howitzer at 90mm recoiless rifle.
Mas tumaas pa ang bilang ng mga sibilyan na nagsilikas mula sa mga apektadong bayan ng Maguindanao na umaabot na sa 60,000 pamilya.