Isinagawa kahapon ng umaga ng nasa 300 militanteng kabataan ang isang “unity walk” para igiit ang katarungan at “truth and accountability” kaugnay ng engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao na nagresulta ng pagkasawi ng 44 na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF).
Dakong 6:00 ng umaga nang nagsimulang magtipun-tipon sa Luneta ang kabataan at naglakad patungo sa Ermita Church para dumalo sa isang misa.
Bitbit nila ang mga tarpaulin na nananawagan “for truth and accountability” habang ang iba naman ay nakasuot ng T-shirt may nakasulat na “Nasaan ang Pangulo?”.
Sumisigaw naman ang iba na magbitiw na sa tungkulin si Pangulong Benigno S. Aquino III.
Nais ng kabataan na papanagutin si Pangulong Aquino sa sagupaan sa Mamasapano dahil sa hindi umano nito pagpapadala ng re-enforcement sa bakbakan ng PNP-SAF sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).