Umaasa si Palawan Bishop Pedro Arigo na ang P87 milyon na natanggap ng gobyerno mula sa Amerika ay aktuwal na gagamitin sa pagsasaayos sa napinsalang bahagi ng Tubbataha Reef sa lalawigan.
“Alam mo naman ang sistema rito sa ‘ting bansa, kaya mahalagang maayos nating ma-account ang paggastos sa nasabing pera. Dapat na gamitin ‘yun sa pagsasaayos sa pinsala, kung puwede pang ayusin,” sinabi ni Arigo sa panayam ng Radyo Veritas.
“Sabi nila may teknolohiya raw na puwedeng mag-revive sa mga corals. Kaya mahalagang may proper accounting kung paano gagastusin ang P87 milyon,” ani Arigo.
Upang matiyak na gagastusin ang nasabing halaga sa rehabilitasyon ng mga napinsalang bahura ng Tubbataha, nagpahayag ng kahandaan ang obispo na lumahok sa anumang monitoring team.
“Tatanggapin ‘yan ng Simbahan kung bibigyan kami ng oportunidad na maging bahagi ng monitoring team para maging accountable ang lahat at maging transparent ang paggastos sa pera,” sabi ni Arigo.
Kinumpirma kamakailan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tinanggap ng gobyerno ng Pilipinas mula sa pamahalaan ng Amerika ang P87,033, 570.71 bilang kompensasyon sa bahagi ng Tubbataha Reef na napinsala sa pagsadsad ng USS Guardian noong 2013.
Ayon sa DFA, gagamitin ang pera sa proteksiyon at rehabilitasyon ng Tubbataha Reef Natural Park, isang UNESCO World Heritage Site.