SA magulong House hearing noong Miyerkules, nalantad ang kalupitan ng mga rebeldeng MILF at BIFF sa paglapastangan sa 44 kasapi ng PNP Special Action Force (SAF). Ibinunyag ng emosyonal at maluha-luhang PNP Officer-in-charge Deputy Director General Leonardo Espina sa harap ng mga kongresista na masyadong overkill ang ginawa ng MILF-BIFF sa ilang SAF commandos na nakahandusay na at buhay pa dahil sa mga paa lang ang mga tama, ay nilapitan at pinagbabaril nang malapitan sa ulo, mukha at katawan.

Matindi ang pagdaramdam ni Espina nang sabihin niya na hindi siya nakatulog nang mabasa niya ang report ng kanilang mga medico-legal na nagsuri sa mga bangkay ng SAF 44 na binaril nang malapitan ng mga MILF gayong buhay pa sila, hindi malubha ang mga tama at puwede pang makabalik sa kanilang mga mahal sa buhay kung hindi lang pinagbabaril pa ng MILF gayong alam nilang mga SAF sila at nagsasagawa ng lehitimong misyon laban sa teroristang si Zulkifli bin Hir, alyas Marwan.

Sa naturang pagdinig na parang mga “palengkero at palengkera” ang mga kongresista kumpara sa kaayusan at disiplina ng mga senador na pinamunuan ni Sen. Grace Poe, ipinagdiinan ni Espina kung bakit ganoon ang ginawang paglapastangan ng MILF sa kanyang mga tauhan na “simpleng mga tao na tumutupad lang sa tungkulin.”

“What is this overkill that you did to our men? They already saw they were wounded SAF, even we did not coordinate (with the MILF), the ones you’re also talking to (in the peace process),” galit at maluha-luhang pahayag ni Espina na ang pinatutungkulan ay ang MILF. Samantala, iginiit ng Malacañang na kasalanan ni ex-SAF commander Director Getulio Napeñas ang trahedya sa Mamasapano operations. Ayon kay Presidential adviser Edwin Lacierda, sinabihan siya ni PNoy na makipag-ugnayan sa AFP at kay General Espina, pero hindi ito ginawa ni Napeñas. Iginiit naman ni Napeñas na matapos ang pulong sa Bahay Pangarap kasama ang Pangulo at ang suspendidong PNP chief Director General Alan Purisima, handa siyang sabihan si Espina, pero sinabihan siya ni Purisima na huwag nang ipaalam ito sa dalawa (DILG Sec. Mar Roxas at Espina).
Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente