PARIS (AP) — Inilathala ng grupong Islamic State (IS) ang inilarawan nitong panayam sa biyuda ng French gunman na umatake sa isang kosher supermarket at sa isang pulis sa Paris noong nakaraang buwan, inamin sa unang pagkakataon na kabilang siya sa mga extremist fighter.

Ang mga text interview sa French at English, inilathala noong Miyerkules at Huwebes, ay hindi direktang pinangalanan si Hayat Boumeddiene o ipinakita ang kanyang mga litrato, sa halip ay kinilala lamang siya bilang asawa ni Amedy Coulibaly, o Umm Basur al-Muhajirah. Itinuturing siyang susi sa imbestigasyon sa mga atake sa Paris, na ikinamatay ng 20 katao, kabilang ang suspek, ngunit umalis siya sa France bago ang insidente.

Sa kanyang mga sagot na hitik sa mga kasabihan mula sa Quran, nanawagan siya sa kababaihan na maging pasensiyosa at gawing madali ang buhay para sa kanilang mga asawa. Sinabi niya na pupunta rin sana si Coulibaly sa Syria kung hindi sumabay sa planong operasyon sa France. Hindi makumpirma ang panayam o kung siya nga ba ang sumasagot sa mga katanungan.

Pinaniniwalaang si Boumeddiene ay nagtungo sa Turkey at tumawid sa Syria sa panahong nagaganap ang pag-atake sa Paris noong Enero 7-9. Pinatay ni Coulibaly ang limang katao bago siya napatay sa raid ng security forces. Inatake naman ng magkapatid na Said at Cherif Kouachi ang opisina ng satirical newspaper na Charlie Hebdo, at pinatay ang 12.

Sagad na ang pasensya? VP Sara pinagmumura sina PBBM, FL Liza, Romualdez