Noon ay may magkaibigan, sina Harold at Tomas, na kapwa namasukan sa isang malaking korporasyon pagkatapos nila ng kolehiyo. Pareho silang nagsisikap, parehong masipag at kapwa sila ganado sa paghahanap-buhay. Pagkaraan ng maraming taon, inilagay ng boss si Harold sa mas mataas na posisyon (siyempre may kaakibat iyon ng pagtaas rin ng suweldo) bilang sales executive samantalang si Tomas ay nanatiling sales representative.

Isang araw, hindi na nakatiis si Tomas at nilapitan niya ang boss bitbit ang kanyang resignation letter at nagreklamo: “Hindi mo naman pinahalagahan ang mga pagsisikap ko at binigyan mo ng promotion ang mga malalapit lamang sa iyo.” Batid ng boss ang pagsisikap at kasipagan ni Tomas sa loob ng maraming taon ngunit upang maunawaan ni Tomas ang kaibahan nila ni Harold, inutusan niya si Tomas: “Alamin mo sa merkado kung ilan ang nagnenegosyo ng computer.” Nagbalik si Tomas sa boss at nagsabi: “Tatlo lang po.” Nagtanong ang boss: “Magkano ang isang unit ng pinakamurang laptop?” Masayang nagtungo uli si Tomas sa merkado at nagbalik: “Hindi lalampas ng P15,000 ang pinakamurang laptop.” Napangiti ang boss, at sinabi niya kay Tomas, “Okay. Ipadadala ko si Harold sa merkado.

Inutusan ng boss si Harold na magtungo sa merkado upang alamin kung ilan ang nagnenegosyo ng computer. Hindi naman nagtagal ay nagbalik si Harold at nag-ulat sa boss: “Tatlo po ang negosyante ng computer: dalawa sa loob ng mall at isa sa labas na malapit sa pamilihan ng mga school supplies. P15,000 ang pinakamurang laptop at P105,000 naman ang pinakamahal – primera klase kasi… mula Japan. May mga desktop din silang binebenta at iba’t ibang klaseng printer. Puwede ang utang ngunit higit na makakamura sa cash basis. Narito po ang business cards ng mga may-ari ng tindahan,” sabay abot sa boss ang naturang mga business cards. “Ano pa po ang gusto ninyong malaman?” Humanga si Tomas kay Harold at nabatid niya agad ang kanilang kaibahan. Hindi na niya itinuloy ang kanyang resignation. At sa halip ay nagpaturo siya kay Harold ng ilang tips upang maging mahusay na empleado.

Gaano na kalayo ang nakikita mong kalamangan ng iyong buhay? Gaano ka kalalim mag-isip?
National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara