Iginiit ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III na panahon na upang itatag ng gobyerno ang isang malaki at modernong piitan para mapaluwag ang mga luma, masisikip at sira-sirang pasilidad para sa mga bilanggo.

Bilang pangulo ng Senate Committee on Justice and Human Rights, iginiit ni Pimentel na masyado nang luma ang New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City na itinayo noong 1935 kaya kailangan ang isang makabagong pambansang penitentiary complex upang malutas ang problema sa pagsisiksikan at hindi makataong kondisyon sa naturang piitan.

“Dapat mawala na ang maling akala na ang lahat ng bilanggo ay pusakal na kriminal na hindi dapat bigyan ng kahit kapirasong simpatya,” diin ng senador na mula sa Mindanao. “Dapat din nating ipatupad ang United Nations Basic Principles for the Treatment of Prisoners kaya mas wastong ituring natin ang lahat ng bilanggo nang may respeto at may likas na dignidad at halaga bilang mga tao.”

Binanggit din ni Pimentel ang sinabi ng yumaong dakilang simbolo ng demokrasya sa South Africa na si Nelson Mandela na: “Walang tunay na nakababatid sa isang bansa maliban kung mararanasang mapiit sa isa sa mga bilangguan nito. Hindi dapat husgahan ang isang bansa kung paano tinatrato ang matataas na uring mamamayan nito kundi ang kalagayan ng maliliit.”

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Batay sa datos ng Bureau of Corrections (BoC), isinaad ni Pimentel na hanggang Agosto noong nakaraang taon ay may 40,185 katao na may iba’t ibang kaso ang nakapiit sa pitong bilangguan ng NBP na nakalaan lang para sa 16,000 bilanggo kaya sumobra na ito nang halos 150 porsiyento.

“Ang NBP mismo sa Muntinlupa, na nabunyag kamakailan ang anomalya kaugnay ng ilegal na aktibidades ng high-profile inmates, ay mas nakakadismaya dahil may congestion rate na 170 percent sa nakabilanggong 22,800 katao gayong nakalaan lang ito para ito sa 8,400 inmates,” ani Pimentel.

Kinatigan din ng senador ang pagpayag ng Regional Development Council (RDC) sa Central Luzon, sa pangunguna ni Bulacan Gov. Wilhelmino M. Sy-Alvarado, sa hiling ng Department of Justice (DoJ) na ilipat ang NBP at ang Correctional Institution for Women sa Laur, Nueva Ecija.