Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pilot testing ng Voter Verification System (VVS) para sa May 2016 elections.

Sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na titiyakin ng VVS na tanging ang mga rehistradong botante lamang na mayroong biometrics data ang makaboboto sa susunod na eleksiyon.

“It is an additional layer (of security) that the Comelec added. It’s just to make sure that you won’t be able to vote if you don’t have biometrics data,” pahayag ni Jimenez.

Ang biometrics data ay isang automated identification system ng isang botante na naglalaman ng kanyang larawan, fingerprint at lagda.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Base sa Republic Act 10367 o Mandatory Biometrics Registration Act of 2013, ang mga botante na hindi maisusumite ang kanilang sarili sa validation process bago ang May 2016 elections ay tatanggalin sa voters’ list at hindi na maaaring muling makaboto.

Bukod sa VVS, kasabay na isasalang sa pilot testing sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila ay ang karagdagang Optical Mark Reader (OMR) machine, ayon pa kay Jimenez.

Kasabay na gagamitin sa May 2016 ang mga Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine na ginamit din noong May 2013 midterm polls.

Sa inilabas na Invitation to Bid, inihayag ng Comelec-Bids and Awards Committee (BAC) na naghahanap ito ng 23,000 VVS na uupahan ng ahensiya sa halagang P90,000 kada unit o may kabuuang halaga na aabot sa P690 milyon.

Ang karagdagang P37.215 milyon ay gagamitin sa technical support na binubuo ng 4,000 technician para sa mga polling center at 135 technician na tutulong sa National Technical Support Center.