Inilinya ng Philippine Sports Commission (PSC)-Women in Sports ang mga programa sa 2015 na puno ng iba’t ibang aktibidad para palaganapin at ibigay ang importansiya ng kababaihan bilang bahagi sa pag-angat ng sports sa Pilipinas.
Itinakda ni PSC Commissioner Gilian Akiko Thompson-Guevarra ang kabuuang 19 palaro at dalawang seminars na para lamang sa kababaihan kung saan ay tampok ang limang torneo sa volleyball, tig-apat sa basketball, softball at sportsfest, dalawang football, isang aquathlon at dalawang seminar.
“Our ladies, athletes and non-athletes will be super busy this year,” sinabi ni Guevarra. “Simply because we want more women involve in sports and that’s why we organize more sports activities for them this year.”
Sisimulan ang PSC Pinay National Volleyball League sa Pebrero 9-12 na may apat na qualifying legs sa Ormoc City bago ito magtungo sa Tuguegarao City sa Marso, Zamboanga City sa Abril at Naga City sa Mayo habang isasagawa ang Finals sa nasabi ring buwan sa Manila.
Isusunod naman ang Liga Filipina Basketball 3X3 sa Laoag City sa Marso, Maynila sa Abril, Cebu City sa Mayo at Hunyo sa Davao City bago humataw ang WIS Softball Tournament qualifiers sa Luzon sa Hulyo, Visayas sa Setyembre, Mindanao sa Nobyembre, at ang Finals sa Marikina City sa Disyembre.
Ikinasa rin ang Women’s Month Celebration na may sports festival sa Ninoy Aquino Stadium sa Manila sa Marso 20, Women in Sports for Elderly sa Dasmarinas City sa Abril, ang 4th Inter-Government Agency Female Employees Sportsfest sa Abril 30-Mayo 29 sa Manila, at ang 2nd Women ‘s Festival of Martial Arts sa May 26-29 sa Mega Trade Hall sa Mandaluyong City.
Sisikad ang WIS Football Festival sa Marso 14 sa Davao City, sa Disyembre sa Manila habang itinakda sa Oktubre sa Tagaytay City ang International Womens Seminar at isang pang seminar na may kaugnayan sa dinaluhan ni Guevarra, kanyang chief of staff na si Atty. Ma. Fe. “Jay” Alano, at national jin na si Janina Lagman sa Cambodia noong Enero 8-11 na Leadership Training for Women in Sports.
Agad din aarangkada ang Women’s Aquathlon sa Pasig City sa Marso 22.