Hindi magpapaapekto ang Philippine Volleyball Federation (PVF) kahit pa na hindi kinikilalang miyembro ng Philippine Olympic Committee (POC) matapos na makasiguro ng suporta sa internasyonal na asosasyon sa isinagawang eleksiyon noong Linggo sa Philippine Navy Golf Club.
Ito ang kapwa sinabi nina PVF President WM Karl Geoffrey Chan at Chairman Edgardo “Boy” Cantada matapos na mahalal sa siyam kataong Executive Board kasama sina dating PAVA President Victorico Chavez, Roger Banzuela, Ricky Palou at dating national team member at broadcaster na si Mozzy Ravena.
Kabilang din sa board na magsisilbi lamang sa loob ng dalawang taon ang sports journalist na si Al Mendoza, Arnel Hajan at si Mariano Diet See.
“I’m putting my reputation at stake for the good of volleyball,” sinabi ni Cantada.
“Nagkaproblema kami, inayos namin. Inaako ko, nagkamali ako, ako ang nagkamali pero huwag naman sanang nakahiga na kami eh aapakan pa nila. They considered us obsolete kaagad kahit hindi pa kami nagkakausap-usap.”
Pinasaringan pa ni Cantada ang POC na dapat tumutulong sa National Sports Associations (NSA’s) para maging maayos ang direksiyon ng programa at maging mga atleta subalit una pang nagkunsidera sa kanilang asosasyon bilang ilegal.
“Kung alam nilang para sa ikabubuti ay dapat na tulungan nila. Pero wala kaming hold sa kanilang desisyon. Hindi kami nakikipag-away sa kanila but kung kaya nila kaming patawarin kung nagkamali man kami ay mahirap ba gawin iyon. Napaka- reconciliatory naman ng PVF. I am very supportive of the POC, but now, I don’t know,” sabi ni Cantada.
Kinastigo din ng kasalukuyang pangulo ng PVF na si Chan ang naging desisyon ng POC na idineklarang illegal bunga sa pagkakaroon ng dalawang magkaibang rehistrasyon sa Securities and Exchange Commission (SEC) na ang una ay noong 2005 at ang ikalawa ay noong 2014.
“On what grounds are we illegal?,” sinabi ni Chan.
“Under our Philippine Law, illegal ba kami. The SEC told us that since the 2005 registration was revoke, we should update it. Mali ba na i-update namin and the SEC even advise us to re-apply na lang, so we do what we had told,” giit pa ni Chan.
“We respect the POC regulation. We consulted them. We gave them all the documents and all of a sudden, mali daw ang ginawa namin. POC is the one that should be helping us, instead they are suddenly crushing us,” dagdag pa ni Chan.