PAGE-2-PHOTO_ARRIVAL-copy-619x399

Pinagkalooban kahapon ng arrival honors ang pagdating sa Villamor Air Base sa Pasay City ng mga labi ng 42 sa 44 miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na nasawi sa engkuwentro sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano, Maguindanao nitong Linggo.

Dakong 10:00 ng umaga lumapag sa paliparan ang tatlong C-130 plane na lulan ang mga labi ng mga nasawing miyembro ng SAF, kabilang ang pitong opisyal nito.

Bakas ang lungkot sa mukha ng mga miyembro ng SAF na nagbuhat sa kabaong, na nababalutan ng watawat ng Pilipinas, palabas ng eroplano para ihilera sa squad formation, na nasa unahang bahagi ang labi ng pitong opisyal.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Pinangunahan nina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas at PNP Officer-in-Charge Deputy Director General Leonardo Espina at ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Air Force (PAF) ang pagbibigay ng arrival honors.

Sumalubong at nagbigay-pugay din sa mga nasawing miyembro ng SAF sina Department of Justice (DoJ) Secretary Leila de Lima, Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, ang nasibak na si SAF Chief Leo Napeñas, bagong SAF Chief Noli Taliño at Vice President Jejomar Binay.

Hindi naman nakarating si Pangulong Benigno S. Aquino III dahil dumalo siya sa isang inagurasyon sa Laguna, bagamat pangungunahan ng Pangulo ang necrological services ng mga nasawing SAF member sa Camp Bagong Diwa sa Taguig ngayong Biyernes.

Una nang nailibing ang mga labi ng dalawang Muslim na kasapi ng SAF, alinsunod sa tradisyon ng relihiyon ng mga ito.