CLEVELAND (AP)- Umiskor si LeBron James ng 25 puntos habang isinagawa naman ng Cleveland Cavaliers ang dominanteng performance upang biguin ang Charlotte Hornets, 129-90, kahapon, bukod pa sa naitarak nila ang ikalimang sunod na panalo.
Sadyang ‘di iniwanan ng home crowd ang Cavaliers, ipinamalas ang kanilang maningning na shooting at passing, na ‘di magkamayaw sa mga sigawan hanggang sa matapos ang laro.
Ang 75-40 lead ng Cleveland sa halftime ang pinakamalaking agwat sa kasaysayan ng prangkisa kung saan ay humantong pa ang kalamangan sa 49 puntos sa fourth quarter.
Nagsalansan si J.R. Smith ng 21 puntos, kasama na ang kanyang pitong 3-pointers, habang nag-ambag si Kyrie Irving ng 18 para sa pinakamalaking panalo ng Cleveland sa season.
Napagwagian na ng Charlotte ang walo sa siyam na laro, ngunit ‘di sila nakaporma sa Cavaliers, muli ay kinakitaan bilang title contenders simula nang magbalik si James mula sa eight-game absence sanhi ng knee at back injuries.
Nagdagdag din si James ng 9 assists at 6 rebounds sa kanyang season-low na 27 minutong paglalaro. Inilabas ito sa huling bahagi ng third quarter at ‘di na pinabalik sa korte. Si James ay may average na 29.7 puntos at 51 percent sa shooting sa anim na mga laro simula nang ito’y magbalik sa korte.
Pinamunuan ni Al Jefferson ang Charlotte na taglay ang 22 puntos habang nag-ambag si Michael Kidd-Gilchrist ng 15.
Nagtala ang Cleveland ng 14 sunod na puntos bilang bahagi ng kanilang 24-4 run sa unang half na nagbigay daan sa kanilang maagang pag-arangkada na gamit ang open jumpers, fast breaks at dunks mula sa alley-oop passes.
Angat sa 14-9, ikinasa ng Cavaliers ang 14-0 run na gamit ang 3-pointers na mula kina Irving at Smith. Naibuslo ni James ang 3 puntos matapos na makatanggap ng foul, bukod pa sa kanyang jumper.
Pinatili ni James ang Cavaliers na nasa magandang posisyon sa second quarter nang sagasaan nito si Timofey Mozgov upang isagawa ang alley-oop para sa dunk. Dito na nagsimula ang mainit na kamay ng four-time MVP.
Naagaw ni James ang isang pasa ng bola sa frontcourt kung saan ay kumaripas ito ng takbo para sa dunk tungo sa 55-25 lead. Ilang minuto ang nakalipas, kinuha nito ang midcourt pass mula kay Smith at ‘di kalaunan ay muling idinakdak ang bola na sadyang ikinagalak ng mga naghihiyawang crowd kung saan ay napalawig nila ang kalamangan sa 60-27.
Ipinasa ni James ang bola kay Kevin Love mula sa kanyang alley-oop pass tungo sa layup bago inasinta ni Irving ang isa pang 3s para sa 65-27 lead sa nalalabing 5:10 bago ang halftime.
Naglaro sa unang pagkakataon si Cavaliers guard Iman Shumpert, pinagpahinga sanhi ng dislocated left shoulder, simula nang kunin ito sa New York noong Enero 5. Tumipa ito ng 8 puntos sa siyam na minutong paglalaro.
Dinispatsa ng Cleveland ang Charlotte sa 97-88 panalo noong Disyembre 15 matapos na pasimulan nila ang laro sa 21-0 run.
TIP-INS
Hornets: Muling nasilayan sina Jefferson at guard Lance Stephenson kahapon. Nagbalik si Jefferson na galing sa strained left groin may tatlong laro na ang nakalipas, habang nakapaglaro si Stephenson ng limang mga laban simula nang makarekober sa pelvic strain. . Napigilan ang Hornets sa siyam na fast break points.
Cavaliers: Napanalunan ng Cleveland ang anim na sunod laban sa Hornets at napagwagian ni James ang kanyang huling 20 matchups kontra sa Charlotte. ... nagtala si Mozgov ng double-double na kaakibat ang 14 puntos at 10 rebounds. . Umiskor ang lahat ng 13 players ng Cleveland.