KAPAG tayo ay binubulaga ng buntun-buntong basura sa mga lansangan at liwasan, kaagad nating naiisip na panahon na upang buhayin ang mga incinerator lalo na sa Metro Manila. Ang pagsusunog ng mga basura sa pamamagitan ng naturang aparato ay minsan nang napatunayang epektibo sa mabilis na paglilinis ng kapaligiran. Hindi na nagiging problema ang paghahakot ng basura upang dalhin sa mga landfill at dumpsite. Dangan nga lamang at ang ganitong sistema ay biglang ipinagbawal dahil nga sa pagpapatibay ng Clean Air Act noong 1999.
Ang naturang batas ang nagbabawal sa pagsusunog ng basura, lalo na ang bio-medical hazardous waste na nagbubuga ng nakalalasong singaw; mga basura ito na nagmumula sa mga ospital. Sa kabilang dako, hindi lubos na ipinagbabawal ng Supreme Court ang pagsusunog ng basura bilang paraan ng pagtatapon nito. Manapa, ang mahigpit na pinaiiwasan ay yaong nagdudulot ng nakalalasong singaw na nakapipinsala sa kapaligiran, lalo na sa kalusugan ng mga mamamayan.
Dahil dito, nagpatuloy ang pagtatapon ng mga basura sa mga dumpsite at landfill. Matagal na ibinubunton ng mga Manilenyo ang kanilang mga basura sa Smokey Mountain na nagdudulot naman ng matinding polusyon sa kapaligiran na malimit na nagiging dahilan ng pagkakasakit ng taumbayan; nagdulot din ito ng panganib sa mismong mga basurero dahil naman sa nakasusulasok na methane. Matindi rin ang epekto nito sa global warming laban sa polusyon. Ito ang dahilan ng tuluyang pagsasara ng Smokey Mountain at itinayo rito ang low-cost housing na ngayon ay pinamamayanan ng karaniwang mamamayan.
Halos kasabay nito, ipinasara na rin ang dumpsite sa Payatas sa Quezon City dahil naman sa nakakikilabot na trahedya na naging dahilan ng kamatayan ng mahigit na 2,000 kaluluwa noong 2008. Ang naturang basurahan ay sinisikap na ngayong gawing isang makatuturang pamayanan.
Ang malalagim na pangyayaring ito ay ilan lamang sa mga dahilan upang ibalik at dagdagan pa ang pagpapatayo ng mga incinerator. Kaakibat ito ng madaliang pagsusog sa Clean Air Act of 1999.