Ni Ben Rosario

Sa halip na patulan ang mga batikos ni Pangulong Benigno S. Aquino III tungkol sa nakaraang administrasyon nang bumisita si Pope Francis sa Malacañang noong Biyernes, nanawagan na lang si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo sa sambayanan na ipagdasal ang Papa.

“Nais na lang ng dating Pangulo na makiisa sa sambayanan sa pagdasal sa kapakanan at kaligtasan ni Pope Francis at maisapuso ng mga Pinoy ang kanyang mensahe sa kapayapaan, pagpapakumbaba at pagkalinga sa maralita,” pahayag ni Atty. Larry Gadon, isa sa mga adviser ng dating Pangulo.

“Malaki ang tiwala ni Congresswoman Arroyo sa dignidad at pagiging patas ng hustisya sa ating bansa. Hinihintay namin ngayon ang resolusyon ng Sandiganbayan sa inihain naming motion for the demurrer to the evidence,” ayon kay Gadon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa kanyang talumpati sa courtesy visit ni Pope Francis sa Palasyo noong Biyernes, ipinaalam ni Aquino sa Papa ang kawalan ng aksiyon ng Simbahang Katoliko sa pagkakasangkot sa korupsiyon ng ilang opisyal ng nakaraang administrasyon.

Si Arroyo, na kilalang relihiyoso, ay nahaharap sa kasong pandarambong dahil sa paglustay sa P366-milyon halaga ng confidential at intelligence funds ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Karamihan sa mga kinasuhan sa plunder case ay pinayagan ng Sandiganbayan na makapagpiyansa habang si Arroyo ay tatlong beses nang tinanggihan sa pagtatangkang mabigyan ng katulad na prebilehiyo.

Naghain ng demurrer to the evidence plea ang mga abogado ni GMA na humihiling na ibasura ang kaso dahil bigo umano ang prosekusyon na maglabas ng matibay na ebidensiya na magpapatunay na guilty siya sa pandarambong.

Naging viral din sa social media ang pahayag ni PNoy, na ilan ay bumabatikos habang ang iba ay pumapabor sa huli niyang pagbatikos sa administrasyong Arroyo.