Bukod sa kababaang-loob at pagiging payak, si Pope Francis pala ay isa ring polyglot o maraming wika ang nalalaman o sinasalita. Marunong siya ng Italyano, Espanyol, Portuguese, French, German, Ukrainian, Latin, at Piedmontese (isang lengguwahe na sinasalita sa isang lugar sa Northern Italy). Mahilig din siya sa sayaw na Tango at nakikipag-selfie sa mga mananampalataya. Isang makabagong Papa sa makabagong panahon, si Lolo Kiko ay nagkaroon din pala ng nobya noong kanyang kabataan, naging janitor at isang bouncer. Buhay pa yata ang naging nobya ni Pope Francis.
Dalawa pa lang na Pope o Vicar of Christ ang hindi Italyano. Sila ay sina Pope John Paul II na taga-Poland at si Pope Francis na taga-South America. Si Pope John Paul II ay naging isang santo kamakailan kasama ni Pope John XXIII. Kailan kaya magiging isang ganap na santo si Pope Paul VI na bumisita sa Pinas noong 1975 at muntik nang mapaslang ng isang pintor na taga-Venezuela?
Ipinagpaliban ng Supreme Court ang desisyon nito tungkol sa petisyon ng pag-iisyu ng TRO sa implementasyon ng fare increase sa MRT at LRT. Samakatwid, patuloy sa “pagdurusa” ang libu-libong pasahero na araw-araw ay nakapila para lang makasakay at makarating sa mga tanggapan at paroroonan. Pero teka muna, matapos pumila ng halos isang kilometro para lang makasakay, aba naman Diyos ko, titirik naman ang MRT at LRT gayong kamahal ng pasahe.
Sa 290 kasapi ng Kamara, 65 lang ang may perfect attendance, kabilang si Speaker Feliciano Belmonte Jr., sa 70 session days. Sa mga bulakbolero o may pinakamaraming absent, nangunguna sina Saranggani Rep. Manny Pacquiao (4 araw lang daw nakadalo) at Negros Occidental Rep. Jules Ledesma (7 araw lang naka-attend). Gayunman, medyo excused daw si Pacman dahil nagdala naman siya ng karangalan sa bansa sa pakikipagbasagan ng mukha sa mga kilalang boxer.
Samantala, si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ay walang attendance report dahil sapul noong 2012, siya ay naka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center sanhi ng kasong plunder.
Sa mga die-hard follower ni Pangulong Joseph Estrada, kung siya’y tawagin ay President Mayor Estrada.Puwede rin kayang tawagin si GMA bilang President Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo?