Ni AARON RECUENCO
“Para kang na-overdose sa pito-pito.”
Ganito inilarawan ng 56-anyos na si Grace Calanoy ang kanyang naramdaman matapos masilayan si Pope Francis habang sakay ng pope mobile sa paglabas at pagpasok sa pansamantalang tirahan ng Papa sa Apostolic Nunciature sa Taft Avenue, Manila.
Ilang segundo lang na natanaw ni Calanoy ang Papa subalit ang naidulot nitong kasiyahan at pag-asa sa kanya ay hindi masusukat sa napakaigsing panahon.
“Pakiramdam ko nawala ang lahat ng karamdaman ko. Parang napatawad na rin ang lahat ng aking kasalanan, lalo na nang ngumiti siya sa akin,” pahayag ni Calanoy.
Bago dumating ang convoy ni Pope Francis, ilang oras ang binuno ni Calanoy upang masilayan ang makarismang leader ng Simbahang Katoliko.
Sa gitna ng init, ambon at pagod sa pagtayo sa loob ng ilang oras, hindi pumasok sa isipan ni Calanoy ang bumigay at umuwi na lang.
“Sulit naman. Kahit pa ipinagtutulakan o iniipit ako, hindi ko iniwan ang puwesto ko,” pahayag ni Calanoy.
Ipinakita rin ni Grace ang larawan ng Papa na kanyang kinunan sa pamamagitan ng kanyang cell phone. Aniya, ipagyayabang niya ito sa kanyang mga kapatid na babae na ngayon ay nagtatrabaho bilang health worker sa United Kingdom.
Ito rin ang ikalawang pagkakataon na personal niyang nakita ang Papa. Ang unang pagkakataon ay nang bumisita si Pope John Paul II sa Pilipinas noong 1995 habang kasama niya ang dalawang kapatid na babae.