PALO, Leyte – Sa kalagitnaan ng kasiyahan, pag-awit at pagbubunyi para sa makasaysayang pagbisita ni Pope Francis sa bayang ito, biglang sumingit ang pahayag ng Papa na ikinalungkot ng daanlibong residente na nais pang makahalubilo siya.
Sa harap ng altar, matapos pangunahan ang misa, ay biglang nag-iba ang tono ni Pope Francis.
“I’d like to tell you something that displeases me,” pahayag ni Pope Francis sa pamamagitan ng isang interpreter.
“The plan today was that the plane will leave at 5:00 this afternoon but there’s a storm around us and the pilots of the airplane have insisted that we have to leave at one o’clock,” pahayag ng lider ng Simbahang Katoliko.
Sa puntong ito, biglang tumahimik ang mga dumalo sa pagtitipon, na pawang nakasuot ng kapote.
Agad na humingi ng paumanhin ang Papa at humiling ng dasal.
“Let us leave everything to Our Lady…I have to go now.”
Dahil sa masamang lagay ng panahon, hindi na natuloy ang pagpapasinaya ni Pope Francis sa bagong tayong Pope Francis Center for the Poor.
Pilit niyang binuhay ang emosyon ng mga residente ng Palo sa pamamagitan ng pagbitaw ng mga biro tungkol sa lagay ng panahon. - Mars W. Mosqueda Jr.