Umapela ang Metropolitan Manila DevelopmentAuthority (MMDA) sa opisyal ng mga unibersidad at may-ari ng mga shopping mall na buksan ang kanilang parking lot sa publiko para sa mga motorist na dadalo sa misa ni Pope Francis sa Quirino Grandstand sa Linggo, Enero 18.
“Nakikiusap kami sa operator ng mga eskuwelahan at shopping mall na payagang magamit ng mga motorist ang kanilang parking lot maski pa may bayad,” pahayag ni MMDA Chairman Francis Tolentino.
Isang Banal na Misa ang pangungunahan ni Pope Francis sa Quirino Grandstand sa Manila dakong 3:30 sa Linggo ng hapon. Bago nito, makikipagpulong ang Santo Papa sa mga religious leader at kabataan sa University of Sto. Tomas dakong 9:45 ng umaga.
Dahil sa dalawang malaking pagtitipon, inaasahan ni Tolentino na malaki ang pangangailangan sa mga lugar na mapaparadahan ng sasakyan bunsod ng pagdagsa ng mga Katolikong nais masilayan ang Santo Papa sa kanyang unang pagkakataon na makatungtong sa Pilipinas.
Una nang inihayag ng awtoridad at organizer ng papal visit na posibleng umabot mula lima hanggang anim na milyong katao ang dadalo sa misa sa Quirino Grandstand.
Kabilang sa mga paaralan at unibersidad na malapit sa Quirino Grandstand ay Sta. Isabel, Araullo High School, Manila Science, La Salle, St. Scholasticas College, Philippine Normal University, Adamson University at Technological University of the Philippines.
Ang mga kalapit na malaking mall ay ang SM City sa Arroceros St., Times Plaza at Robinson’s Manila sa Ermita.