Ni NESTOR ABREMATEA

PALO, Leyte – Sabik na sabik na ang 30 sinalanta ng super typhoon ‘Yolanda’ na masuwerteng napili upang makahalubilo si Pope Francis sa pagbisita nito sa munisipalidad na ito na matinding sinalanta ng kalamidad.

Sinabi ni Archbishop John F. Du na hindi maaaring ihayag ang pagkakakilanlan ng 30 survivor na makakasama ng Papa sa pananghalian dahil na rin sa isyu ng seguridad. Aniya, maging ang 30 survivor ay nakiusap na huwag ihayag ang kanilang pangalan sa media.

Nilinaw ni Du na ang 30 ay mga “symbolic representative” ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Matatandaan na hiniling ng Papa ang isang simple ngunit makabuluhang salu-salo kasama ang mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

Hindi rin pahihintulutan ni Pope Francis ang mga pulitiko na umepal sa kanyang pagbisita sa calamity areas.

Ayon kay Archdiocesan Media Director Fr. Chris Militante, 60,649 delegado ang dadalo sa isang open air mass sa paliparan ng Palo.

Aabot lang sa 2,600 ang bibigyan ng mauupuan sa lugar ng misa habang ang iba ay mananatiling nakatayo.

Tiniyak ni Du na handa na ang lahat sa makasaysayang pagbisita ng Papa sa Archdiocese of Palo.

Umapela rin ang arsobispo sa mga Katoliko sa lugar na mangumpisal upang maging handa sila sa pagdating ng lider ng Simbahan, hindi lang sa aspetong pisikal ngunit maging ispiritwal.