Itinakda ng Philippine Volleyball Federation (PVF) ang pinakahihintay na eleksyon sa darating na Enero 25.
Ito ang napag-alaman kay PVF President Geoffrey Karl Chan matapos ang ginanap na pagpupulong sa pagitan ng mga dating inihalal na opisyales ng asosasyon.
“Okey na inside the PVF,” sinabi ni Chan.
“United na lahat and naayos na din within the association. We can go on now with the election and tuloy na rin ang programa ng PVF,” pahayag pa ni Chan.
Una nang itinakda noong Enero 10 ang general assembly at eleksiyon ng asosasyon subalit nagdesisyon ang mga namumuno na isagawa ang isang masinsinang pag-uusap upang ayusin ang pag-aagawan sa liderato.
Nagsidatingan, sa pangunguna ng pangulo ng PVF na si Karl Chan, ang mga dating inihalal na opisyales ng asosasyon subalit hindi nagbigay ng pagkakataon na magbigay ng detalye sa kanilang napag-usapan sa pulong.
Nakasama naman ng mga opisyal ng PVF ang iba pang stakeholders para sa pagtatakda ng kanilang programa at desisyunan kung tuluyang maghahalal ng kanilang mga bagong pinuno.
Matatandaan na binuo ang isang interim board sa harap mismo ni Shanrit Wongprasert, Executive Vice president of the Asian Volleyball Confederation (AVC) for the Southeast Asian Zone noong Hulyo 5 sa Wack-Wack Golf and Country Club.
Dito ay iniupo bilang PVF President si Karl Geoffrey Chan, na siyang dating vice-president, habang nailuklok na chairman si Phillip Ella Juico.
Itinalagang secretary general si Rustico “Otie” Camangian, iniupo din si Dr. Ian Laurel bilang Board Member at In-charge sa Philippine National Teams gayundin si Cagayan Valley Mayor Criselda Antonio bilang Board of Director Member at Finance Director.
Si Ramon ”Tatz” Suzara, na siyang organizer ng Philippine Super Liga, ay isa sa Board of Director at In-Charge of International Affairs, si Yul Benosa ang Rules of the Games Commission Director at si Nestor Bello naman ang Referee’s Director.
Ang dating PAVA president na si Roger Banzuela ay kasama sa Board of Director at In-charge for Visayas at Mindanao habang si Gary Jamili ang Technical Director at si Shakey’s V-League president Ricky Palou ang Marketing Director.
Gayunman, isa pang interim board ang binuo noong May 31, 2013 kung saan kabilang sa nakalista sina Pedro Mendoza, (chairman), Generoso Dungo, (president), WM Karl Geoffrey Chan II (vice-president), Victor Abalos, (Commissioner), Roger Banzuela, (Treasurer), Minerva Dulce Pante, (Auditor), Nestor Bello, (chairman ng Referees Commission), Yul Benosa, (chairman ng Rules of the Game), Adrian Paolo Laurel, (PRO) at mga Board of Director na sina Jose Gary Jamili, Edgardo Cantada, Marvin Trinidad, Alfredo Ynfante at Virginia De Jesus.