HINDI lamang ang Philippine National Police (PNP) kundi ang mga mamamayan ang nagulantang nang ipinahiwatig ni dating Senador Panfilo Lacson: Ang problema ng PNP ay mismong PNP. Nangangahulugan na hindi kasiya-siya ang pamamahala sa naturang organisasyong pampulisya na laging nagiging tampulan ng mga pagbatikos dahil sa kawalan ng disiplina ng ilang opisyal at tauhan nito.

Sa kanyang makabuluhang mensahe sa PNP Ethics Day kamakailan, binibigyang-diin ni Lacson – dating Director General ng PNP at dating rehabilitation czar – na pinakamahalaga sa PNP ang tinatawag ng mga Kano: Leading by example. Nais kaya niyang ipahiwatig na ang mismong mga namumuno sa PNP ay hindi nakapagpapamalas ng mabuting halimbawa na dapat pamarisan ng kanyang mga tauhan? Marahil nga, sapagkat kung hindi, bakit nagkakawindang-windang ang pamamalakad sa nabanggit na organisasyon? Bakit ang ilang pinuno nito ay nasasangkot sa mga kasong kriminal, tulad ng naganap na rub-out sa Atimonan, Quezon may ilang taon na rin ang nakalilipas? Bakit may idinadawit sa kasumpa-sumpang pangungulimbat ng salapi ng bayan at sa pagkakamal ng mga nakaw na yaman? Hindi ba hanggang ngayon ay may mga tauhan ng PNP na nasasangkot sa mga nakawan, panghoholdap, pagmomolesiya at sa paggamit at pagbebenta ng mga illegal drugs? Maliwanag na ang nakadidismayang eksenang ito ang masyadong ikinalulungkot ni Lacson, lalo na nga kung iisipin na hindi-birong pagsasakripisyo ang kanyang pinuhunan upang ang pinamahalaan niyang PNP noon ay tunay na maging modelo sa pagseserbisyo.

Hindi ko personal na kakilala si Lacson. Katunayan, kahit minsan ay hindi ko nakadaupang-palad ang dating senador. Ang aking paghanga sa kanya at sa kanyang prinsipyo ay batay lamang sa aking natunghayan sa mga peryodiko, telebisyon, radyo, sa social media at sa mga media forum. Hindi malilimutan ng sambayanan ang disiplina na ikinintal ni Lacson sa isipan ng mga tauhan ng PNP. Nilipol niya ang pangongotong, pagkakasangkot sa mga jueteng operations at droga; pinag-ibayo ang pagpapanatili ng katahimikan sa mga komunidad at marami pang pagseserbisyo na dapat lamang asahan sa kanila ng taumbayan.

Ang lahat ng ito ay matatamo lamang sa pamamagitan ng mabuting halimbawa.
Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente