Ni Edd K. Usman

Kung tatanungin ang kabataan kung ano ang nais nilang maging propesyon sa kanilang pagtanda, karaniwang sagot ay doktor, inhinyero, guro, negosyante, pulis o tulad ng kanilang ama.

Subalit kakaiba ang naging tugon ni Juan Xanti Liboro, 10 taong gulang. “Pangarap ko maging pope,” pahayag ng bata.

Nakabibilib man o hindi para sa kanyang mga kaibigan, pursigido pa rin si Xanti na bigyang katuparan ang kanyang pangarap.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ayon sa kanyang mga magulang na sina Raymundo Liboro (assistant secretary ng Department of Science and Technology) at Dr. Yasmin D. Liboro, paborito ni Xanti ang magtungo sa mga simbahan upang magdasal at alamin ang kasaysayan ng mga ito.

Tuwing kasama ang kanyang mga kapatid na sina Ysabelle at Zoei sa pagtungo ng kanilang pamilya sa mga lalawigan, ang unang itinatanong ni Xanti ay ang mga simbahan sa lugar.

At bago pa man ang kanyang unang komunyon, naisaulo na ni Xanti ang Kredong Apostoliko, Banal na Misa at Banal na Rosaryo.

Tandang-tanda pa ni Ginoong Liboro nang kalabitin siya ni Xanti nang makalimutan ng isang pari na nagmimisa sa kasal ng kanilang kaibigan ang isang linya sa misa noong Disyembre 2014.

“Katabi namin si Education Secretary Armin Luistro at kinumpirma niya ang obserbasyon ng aking anak,” kuwento ni Raymundo.

Sinabi ng Ginoong Liboro na isa si Xanti sa mga Pinoy na galak na galak na makaharap ang Papa sa pagdating ng huli sa bansa sa Huwebes.

“Kaya pipilitin nang aming pamilya na makalapit kay Pope Francis,” dagdag ni Raymundo.

Kapag nagkataon, magkakaroon na ng unang Papa, hindi lang para sa Asya, ngunit maging sa Pilipinas sa katauhan ni Juan Xanti Liboro.