Nagtala ng 19 hits at 3 blocks si Michael Sudaria para sa kabuuang 22 puntos upang pamunuan ang Adamson University (AdU) sa paggapi kahapon sa University of Santo Tomas (UST) sa isang dikdikang 4-setter, 25-20, 22-25, 25-23, 27-25, upang makamit ang ikalawang posisyon sa men`s division ng UAAP Season 77 volleyball tournament sa MOA Arena sa Pasay City.

Ang panalo ang ikalima para sa Falcons na nag-angat sa kanila sa solong ikalawang puwesto kung saan ay dati silang magkasalo ng kanilang biktimang Tigers na bumaba sa ikatlong puwesto sa pagkakalaglag sa ikalawang pagkatalo sa loob ng anim na laro.

Nag-ambag naman ang kanyang mga kakamping sina Jerome Sarmiento at Bryan Saraza ng 18 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod .

Nauwi naman sa wala ang naitalang game-high 27 puntos ng isa sa mga league leading scorer na si Mark Gil Alfafara na nakakuha lamang ng suporta mula sa kapwa beteranong si Romnick Rico na nagtapos na may 18 puntos para sa larong tumagal ng 1 oras at 35 minuto.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Una rito, nakasilat naman ang University of the Philippines (UP) nang pataubin nila ang Far Eastern University (FEU), 25-23, 22-25, 25-20, 25-17.

Dahil sa panalo, nakatabla ang Fighting Maroons sa kanilang biktima sa barahang 2-4 (panalo-talo).

Nagtapos na may double digit performances sina Christian dela Paz, Evan Raymundo, Wendell Miguel at Jon Abuda na nagsipatala ng 14, 13, 12 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod, upang pangunahan ang UP sa nasabing panalo.

Nawalan naman ng saysay ang game-high na tig-18 puntos nina Greg Dolor at Joshua Barrica dahil hindi nila nagawang maipanalo ang FEU.