Lihim tayong nasisiyahan kapag may pumuri sa atin, lalo na sa ating mga tagumpay o kahit na sa katiting na bagay na ating nagawa. Dahil sa papuri, lalo tayong ginaganahang gumawa ng mas kahanga hangang bagay upang lalo tayong purihin. Dahil dito, aminin man natin o hindi, naghahangad tayo ng papuri. Minsan, pinananabikan din natin ang mga katagang “Ang galing mo!” at ang “Wow naman!”. Kahit na ang mga bata ay naghahangad din ng papuri ng iba, lalo na kung ang matatanda ang pumupuri. Dahil sa paghangang ito, lalong nagiging masigasig ang mga bata sa bagay na pinuri sa kanila – sa pag-aaral, sa pagtugtog ng instrumento, sa pagguhit, sa pagkanta, sa pagsayaw at marami pang iba.

Ngunit ang paghahangad ng papuri ng iba, lalo na sa mga taong ating nirerespeto, ay hindi naman masama. Ang papuri, kapag bukal sa kalooban at matapat, ay maaring mag-udyok sa pinupuri ng kakaibang sigasig na magpatuloy sa maganda nitong ginagawa at lalong humuhusay. At ayon naman sa Mabuting Aklat, kailangan nating asamin ang araw na iyon na pupurihin tayo ng Diyos. Ang problema lang, mas inaasam natin ang papuri na tinatanggap natin mula sa mga tao sa buhay na ito kaysa mula sa Diyos sa kabilang buhay.

Kaya gumagawa ang tao ng paraan upang paangatin ang antas ng kanyang kagalingan sa paghahangad na purihin o palakpakan siya ng kanyang kapwa. Parang nililinang niya ang kanyang sarili upang bigyan ng kasiyahan ang ibang tao; at ito ang nagdudulot sa kanya ng kasiyahan. Kahit sa gawaing masama at kanyang ikapapahamak, maghahangad pa rin ang tao na purihin siya. Halimbawa na lamang ang ang pagmamayabang na kaya niyang mandukot ng pag-aari ng iba o ang pag-inom ng mas maraming alak kaysa iba o ang maraming beses siyang gumamit ng ipinagbabawal na gamot. Ang ganitong kagalingan ay naghahangad lamang ng papuri mula sa kanyang kapwa, hindi mula sa Diyos.

Tayong mga mananampalataya, maging hangarin nawa natin ang matamo ang papuri na mula sa Diyos. Ang Kanyang palakpak ng paghanga sa ating mga nagawa para sa Kanyang kaluwalhatian ay laging mas mainam kaysa palakpak ng madla.
National

Ilang araw bago ang New Year: Bilang ng mga naputukan, pumalo na sa 69