Hitik sa aksiyon ang gaganaping ikatlong edisyon ng 2015 Philippine Super Liga (PSL) bunga na rin ng malalaking proyektong isasagawa ng bansa, tampok ang unang torneo sa beach volleyball at maging ang Women’s All-Filipino Conference at Grand Prix.

Sinabi ni PH Super Liga at organizer na si SportsCore president Ramon “Tats” Suzara na nakatakdang ilunsad ngayong buwan ang kabuuang programa na tatampukan ng internasyonal na torneo at ang mga lokal na kompetisyon.

“We will start with the training camp for those that wanted to join the league. Everybody is welcome even to those in the provinces. All the teams will have a chance to see them play and then they will be put in the draft where all the teams have the chance to pick,” sabi ni Suzara.

Inaasahang maraming manlalaro ang mapipili sa drafting na isasagawa sa Pebrero 28 bunga ng tatlong bagong koponan na sasali sa liga.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“We will have an expansion of three to four new teams in the women’s division. Gusto natin ilimit sa 8 pero marami ang nag-aaply kaya we might have 10 teams. Hindi muna tayo magsasagawa ng men’s team dahil medyo nagko-conflict na sa scheduling,” sinabi pa ni Suzara sa torneong nakatakdang magsimula sa Marso 8.

Sa kasalukuyan ay may anim na koponan ang bumubuo sa liga na kinabibilangan ng Grand Prix champion Petron, Generika, RC Cola Air Force, Cignal HD, Foton, at Mane ‘N Tail, na bibitbitin ang brand name na Pocari Sweat.

Kasalukuyan namang nakikipag-usap si Suzara sa isang malaking kompanya na nais suportahan ang gaganaping beach volleyball na tatampukan ng pinakamagagaling na manlalaro sa buong bansa.

“Nagkausap na kami ng higanteng company before Christmas. Isa lang ang sand court sa ngayon pero we requested na magtayo kahit man lang isang practice court,” paliwanag ni Suzara sa isa sa mga pagbabagong isasagawa ng liga.

Ihahataw na rin ng liga ngayong taon ang “video challenge” para ma-review ang mga desisyon ng referee, ang beach volleyball sa off season, at ang isang linggong Champion’s League, tampok ang kampeon sa UAAP, NCAA, Shakey’s V-League at PSL.

Sisimulan ang 2015 season sa pamamagitan ng rookie camp sa Pebrero 24-25 bago ang aktuwal na drafting sa Pebrero 28.

Unang pipili ang Mane ‘N Tail (Pocari Sweat) mula sa inaasahang sasali na 25 hanggang 26 na manlalaro.