188

Kung napapansin siyang brusko at tigasin sa loob ng korte kung saan ay siya ngayon ang kasalukuyang naghahari bilang Most Valuable Player at nangungunang kandidato para sa Best Player of the Conference, sa labas ng korte ay isang magiliw, magalang at mahinahong kausap ang mala-higanteng si Junemar Fajardo ng San Miguel Beer.

Matapos ang kanilang naitalang sweep noong nakaraang Biyernes ng gabi kontra sa Talk ‘N Text at makamit ang unang finals berth sa ginaganap na PBA Philippine Cup, buong pagpapakumbabang nakipag-usap pa rin ito sa mga media na naghintay sa labas ng kanilang dug out.

Bukod dito ay malumanay pa rin niyang binati ang lahat ng mga manlalaro ng Tropang Texters na nagdaan sa kanyang harapan, kabilang na rito ang kanyang Gilas teammate na si Ranidel de Ocampo na tinatawag niyang ‘Kuya’.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay De Ocampo, napakalaki na ng naging “improvement” sa laro at level ng kumpiyansa ni Fajardo dahil na rin sa lahat ng mga natutunan nito sa kanilang mga dinaanang international exposure bilang miyembro ng Gilas.

“Talagang malaki na ang naging improvement niya (Fajardo), tumaas ang kanyang kumpiyansa lalo na after sa FIBA World Cup. Kitang-kita naman ang laro niya,” pahayag ni De Ocampo.

Katunayan, sa nasabing laban, ipinakita ni Fajardo ang kanyang kumpiyansa sa pagtikada ng mga medium range jumper, bukod sa dati na niyang ginagawang mga “stiff” sa shaded lane at sa ilalim ng goal.

“Kailangan kasi dahil natsi-check na rin nila ako sa ilalim, so kailangan ko talagang tumira sa perimeter kaya talagang pinapraktis ko iyon,” pahayag ni Fajardo na tinutukoy ang kanyang shooting.

Tumapos si Fajardo na may 28 puntos at 16 rebounds, maliban pa sa 5 assists at 2 blocks.

At nang tanungin kung ano ang mga naituro niya kay Fajardo na nakikita niyang ginagawa nito, ngumiti lamang si De Ocampo at sinabi na alam na ni Junemar ang mga gagawin niya.

“Simple lang kasi iyang si Junemar, kapag pinagsabihan iyan, lalo na sa mga nakakatanda sa kanya, talagang nakikinig iyan. Iyon ang maganda sa kanya, marunong siyang makinig at sumunod,” ani De Ocampo na ‘di hamak namang may malawak na karanasan sa loob ng 10 taon na itinagal niya sa liga kumpara sa Cebuano slotman na nasa ikatlong taon pa lamang nito.