Naghain ng petisyon sa Court of Appeals (CA) ang isa sa 19 high profile inmate ng New Bilibid Prison (NBP) na inilipat sa kustodiya sa National Bureau of Investigation (NBI) Compound sa Maynila laban sa Department of Justice (DoJ), Bureau of Corrections (BuCor) at NBI.
Naghain ng Writ of Amparo ang convicted drug lord na si Noel Martinez dahil hindi umano pinapayagan ng gobyerno ang kanyang abogado at mga kapamilya na bisitahin siya habang naka-detine sa NBI.
Kinuwestyon din niya ang paglipat sa kanya mula NBP patungong NBI.
Paniwala ni Martinez, nilabag ang kanyang constitutional right matapos siyang ilipat ng piitan.
Humihingi rin ito ng Temporary Protection order laban sa mga ahensiyang nabanggit.
Matatandaan na kasama si Martinez sa 19 high profile inmate na binitbit sa NBI detention facility matapos ang isinagawang surprise inspection sa pasilidad na pinangunahan ni Justice Secretary Leila De Lima kamakailan.
Nakumpiska sa mga high profile prisoner ang mga ilegal na kontrabando gaya ng droga, baril, cash, sex toy, mamahaling gamit, jacuzzi, relo, band instrument, airconditioning unit at marami pang iba.