Magpipiyesta ang mga netizen sa pagpapaskil ng mga live update at larawan sa pagdating ni Pope Francis sa Maynila sa Enero matapos ihayag ng mga opisyal ng pamahalaang lungsod na may libreng WiFi access sa piling pampublikong lugar na bibisitahin ng Papa sa siyudad.
Sinabi ni Manila Vice Mayor Isko Moreno na magsasagawa na sila ng test run sa pagkakaloob ng libreng WiFi service sa siyudad, partikular sa Quirino Grandstand, na inaasahang aabot sa limang milyon ang dadagsa upang makita ang pinakamamahal na lider ng Simbahang Katoliko.
Nagkakabit na sa kasalukuyan ng mga fiber optic cable sa Ermita, ang sentro ng WiFi access sa Maynila.
Unang magkakaroon ng libreng Wi-Fi access sa Ermita, Taft Avenue at Tondo at walang gagastusin ang pamahalaang lungsod sa pagkakabit ng mga ito.
Tumanggi naman si Moreno na pangalanan ang mga sponsor ng proyekto subalit sinabi ng isang source na karamihan sa mga ito ay malalaking kumpanya na nakabase sa Maynila.
Una nang nagkaloob ang pamahalaang lungsod ng libreng WiFi access sa mga bus stop at waiting shed, partikular sa university belt at España Boulevard.
Bukod sa libreng WiFi, magkakabit din ang pamahalaang lungsod ng mga closed-circuit television (CCTV) camera sa mga estratehikong lugar bilang paghahanda sa pagbisita ni Pope Francis.
Nagdeklara na rin si Manila Mayor Joseph Estrada ng suspensiyon ng klase sa Enero 15-19 upang mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na makadalo sa mga aktibidad na pangungunahan ng Papa. (Jenny F. Manongdo)