MABUHAY ka, Pope Francis, sa iyong makasaysayang pagdalaw sa minamahal naming Pilipinas. Mula Enero 15 hanggang 19, ipagbubunyi ka namin at umaasang ang mga araw na ito ay idedeklara ni Pangulong Noynoy aquino bilang pista-opisyal upang ganap na maipagdiwang ang pambihirang okasyon na ang Papa na kilala sa kapakumbabaan, payak at mapagmahal sa mahihirap, ay dadalaw sa bansang kamakailan ay dumanas ng katakut-takot na krisis, kalamidad at pampulitikang kontrobersiya. Hayaan mong tawagin ka naming Lolo Kiko bagamat ang tunay mong pangalan ay Jorge Mario Bergoglio noong ikaw ay isa pang kardinal ng argentina at ngayon ay may bagong pangalang Pope Francis. Mano po Lolo Kiko, pagpalain mo kaming mga Pilipino!

Sana, basbasan mo ang mga Pinoy na naniniwala sa Diyos, hindi nawawalan ng pag-asa sa buhay. Hilamusan mo sana Pope Francis, aka Lolo Kiko, ang mga mukha ng pulitikong kulapol ng kurapsiyon, suwail, mandarambong ng pera ng bayan, upang muling sumariwa at malinis ang kanilang konsensiya at itapon sa basurahan ang pagiging ganid, kayamuan at pagsamba sa kinang ng salapi at tuparin ang pangakong magiging tunay na lingkod ng bayan.

Dapat ay sibakin na ang mga pinunong tatanga-tanga sa New Bilibid Prison (NBP) matapos matuklasan nina DoJ Sec. Leila De Lima at ng NBi sa isang sorpresang inspeksiyon na ang mga drug lord pala ay namumuhay roon bilang “hari” bagamat nakakulong. Natuklasan sa 5:30am surprise inspection sa NBP ang lantarang paglabag sa mga alituntunin sa bilangguan at nahayag ang maluhong lifestyle ng 20 drug lords sa loob mismo ng maximum security compound. “Nakabubuwist, nakagagalit,” bulalas ng Kalihim na may “balls” sa mga reporter matapos ang raid. Nalaman niyang ang mga drug lord ay nakapag-ooperate sa loob ng NBP, kumikita ng limpak-limpak na salapi mula sa pagbebenta ng illegal na droga na marahil ay ipinanunuhol sa mga tiwaling opisyal o kawani ng NBP.

Ilang kubol ng drug lords ang nasamsaman ng mga armas, storage area, entertainment appliances, milyun-milyong pisong cash, music studio, at may mga kubetang pang-mayaman. Mr. President, ano pa ang hinihintay mo? Sibakin mo na ang NBP officials na hindi tumatalunton sa tuwid mong Daan.
National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte