Mukhang tuloy na tuloy na ang bakbakang Pacman at Fearweather, este Mayweather, batay sa lumalabas na mga balita sa larangan ng boksing. Mismong sa bibig ni Flawed Fearweather, oops Floyd Mayweather, nanggaling ang kagustuhan na makasagupa si Manny Pacquiao sa Mayo 2, 2015. Kaibigang Recah Trinidad, talaga bang tuloy na ang Bakbakan ng Dantaon?
Dating kaalyado ng China ang Vietnam laban sa imperyalistang United States. Pero ngayon ay kontra na ang Vietnam ni Uncle Ho Chi Minh sa pangangamkam ng China ni Mao Tse Tung sa buong West Philippine Sea. Naghain na rin ang Vietnam ng arbitration petition sa United Nations tulad ng sa Pilipinas upang himukin ang dambuhalang China na makipag-usap tungkol sa usapin. Isiipin ninyo, parehong komunista ang Vietnam at China. May katulad na ideolohiya para sa kagalingan at kabutihan ng mga mamamayan at pakikipagkaibigan sa mga mamamayan ng ibang mga bansa. Eh bakit nag-aaway sila ngayon dahil sa pag-angkin ng China sa Paracels na may claim ang Vietnam, at nanduduro at nangangamkam naman sa Spratlys na may claim ang Pinas? Hoy China, huwag ka naman sanang sakim. Noon ay tahimik at hindi ka kumikibo, pero ngayong lumakas ang iyong ekonomiya at puwersa-militar, nagiging isa ka namang diktador ng mundo na nais sagpangin ang maliliit at mahinang bansa!
Inakusahan ni Vice Pres. Jojo Binay ang ilang broadcaster na bayarán umano ng kanyang mga kritiko para siya siraan na naging dahilan ng pagbagsak ng kanyang preference at trust ratings batay sa survey results ng Pulse Asia at iba pang survey firms. Mr. VP Binay, tukuyin mo kung sinu-sino ang bayarang broadcaster para malantad sila sa publiko dahil nalalagay sa pagdududa ang lahat ng broadcaster. Nosibalasi?
Well, kung humarap ka lang sana sa Senate hearings at sinagot ang mga alegasyon ni ex-Vice Mayor Ernest Mercado at sinupalpal sina Sens. Cayetano at Trillanes dahil nasa panig ka ng katotohanan at may sapat na dokumento na hindi ikaw ang may-ari ng 350-hectare Hacienda Binay sa Batangas eh di walang problema. Naghamon ka pa ng debate kay Trillanes, pero dakong huli umatras ka. Please, ibunyag mo ang mga broadcaster at nang malaman ang mga mukhang-perang journalist na ito!