Sa kabila ng masamang panahon na inaasahan sa susunod na 48 oras, magtutungo ngayon si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa Borongan, Eastern Samar upang siguruhin na handa ang mga local government unit (LGU) sa pagtama ng super typhoon ‘Ruby’ sa lupa.

Sa paggabay ni Pangulong Benigno S. Aquino III at bilang vice chairman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), inaasahang pupuntahan ni Roxas ang mga alkalde ng Eastern Samar na tinagurian niyang mga “first responder” o unang tutugon sa panahon ng kalamidad.

Ayon sa briefing ng NDRRMC noong Huwebes, ang Eastern Samar ang isa sa mga tatamaan ng bagyong Ruby (International name: Hagupit).

Ayon kay Roxas, mahigit 50 sa 80 lalawigan ang maaapektuhan ng bagyo at may 995 bayan at 85 lungsod sa nasabing mga lugar ang tatamaan ng bagyo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Iniulat din na magkakaroon ng malakas na pag-ulan sa hilagang Leyte at silangang Samar, at mga daluyong o storm surge na aabot sa tatlo hanggang apat na metro. Dahil dito, pinadalhan na ng instruksiyon ang mga mayor, sa pamamagitan ng tawag, text at memo, tungkol sa mga dapat gawing paghahanda.

Iniulat din ni Roxas na makikipag-ugnayan ang DILG sa Department of Science and Technology (DoST), Office of Civil Defense (OCD) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang i-evacuate ang mga tao sa mga high risk area na dadaanan ng bagyo.

Nakaalerto na rin maging ang pulisya sa mga nasabing lugar, na tinanggalan na ng leave sa mga darating na araw upang masiguro ang sitwasyong pangkapayapaan at kaayusan.