MINSAN PA ● Iniulat ng PAGASA na hahagupit si Hagupit sa mga lugar na hinagupit ni Yolanda. Habang isinusulat ko ito kahapon, makulimlim sa Manila, malamig din ang hangin at naroon ang pakiramdam na nagbabadya nga ng masamang pamahon. Matindi raw itong si Hagupit - na pinangalanang “Ruby” para lumapat sa pagbibilang ng PAGASA - ngunit hindi kasing sungit ni Yolanda. Ayon sa pag-aaral ng ahensiya, makapagdulot din ito ng pinsala. Kasi naman, “Supertyphoon” ang kategorya ni Ruby.

Dahil sa maagap na anunsiyo ng PAGASA, handa na ang Tacloban at Leyte sa pag-iinarte nitong si Ruby. Ayon kay Leyte Governor Dominic Petilla, nagsimula nang kumilos ang mga tauhan sa ilalim ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council sa pamamagitan ng pagpapakalat ng impormasyon para paghadaan ang banta ang bagyo. Partikular na ipinaalala sa mga residente ang pag-imbak ng pagkain at iba pang pangangailangan sakaling mawalan ng serbisyo ng kuryente at tubig. Malamang din na magpapatupad ng paglilikas ang mga awtoridad upang maiwasan ang kamatayan o matinding kapinsalaan; kaya mas mabuti para sa mga mamamayan na tumalima na lamang sa ipinag-uutos kaysa pairalin ang katigasan ng ulo. “Alerto na naman ngayon ang mga residente sa aming lugar dahil nakaranas na ng bagyong Yolanda, kaya handa na rin lahat,” pahayag ni Petilla. Sana lumihis na o malusaw ang bagyo. Kung hindi ka relihiyoso, magandang simulain ito upang magdasal.

***

READY NA KAMI ● Sa layuning huwag maulit ang malawakang kapahamakan na idinulot ng bagyong Yolanda, nakahanda na ang iba’t ibang ahensiya sakaling himagupit si Ruby sa bansa. Ito ay ayon sa Department of Budget and Management (DBM) na nagsabing nakapaloob sa 2014 General Appropriations Act ang P4.69 bilyon na Quick Response Funds (QRF), o standby funds na agad na magagamit sakaling magkaroon ng kalamidad sa bansa. Ang naturang pondo ay pinaghatian ng ilang ahensiya ng gobyerno na may kaugnayan sa paglilikas at pag-aayuda ng mga apektadong mamamayan. May nakapag-ulat din na mananagit kay Pangulong Aquino ang ahensiyang magpapabaya sa kanilang tungkulin sa panahon ng kalamidad.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho