Muling pinasayad ng Mapua ang mga paa ng season host Jose Rizal University (JRU) sa lupa mula sa apat na sets na panalo, 25-22, 25-21, 26-24, 25-22, kahapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa NCAA Season 90 volleyball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Nagtala ng game high na 25 puntos, na kinapapalooban ng 21 hits at 2 aces, ang beteranong hitter ng Cardinals na si Philip Bagalay upang pangunahan ang nasabing tagumpay ng Cardinals, ang kanilang una pa lamang matapos ang apat na sunod na kabiguan.

Nakabalikat naman ni Bagalay sa paggiya sa Cardinals sina Angelino Pertierra at Paul John Cuzon na nagposte ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Tanging sa service lamang nakuhang makipagsabayan ng Heavy Bombers kung saan ay kapwa sila nagtala ng tig-apat na service aces ng Cardinals na humataw naman ng 53 hits kumpara sa 44 ng Cardinals, bukod pa sa 7 blocks at 33 digs kumpara sa 4 at 26 lamang ng JRU.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nanguna naman para sa JRU na nalaglag sa kanilang ikalimang panalo sa loob ng pitong laro si Michael Tobias na nagposte ng 14 puntos.

Bumawi naman ang Lady Bombers sa women’s division nang gapiin nito ang Lady Bombers sa loob din ng apat na sets, 25-21, 23-25, 25-15, 25-12.

Nagtala ng 26 puntos si Maria Shola Alvarez na kinabibilangan ng 19 na hits, 3 blocks at 3 aces habang nag-ambag naman ng tig-11 puntos ang mga kakamping sina Laela Lopez at Rosali Pepito upang giyahan ang Lady Bombers tungo sa panalo, ang kanilang ikaapat sa loob ng pitong laro na nagpatatag sa kanilang kapit sa ikalimang puwesto.

Sa kabilang dako, kinulang naman ng sapat na suporta si Jela Pena na tumapos na may game-high na 27 puntos na kinapapalooban ng 25 hits at 2 aces matapos na malaglag ng Lady Cardinals sa ikaapat nilang kabiguan sa loob ng limang laro. Pansamantalang nakisalo sila sa kapitbahay na Lyceum of the Philippines University (LPU) sa ikapitong puwesto.