Vic Sotto

MABENTA pala talaga si Direk Joyce Bernal kapag Metro Manila Film Festival kaya kailangan mong ipaalam na kukunin mo ang serbisyo niya walong buwan bago dumating ang Disyembre.

Noong 2013 ay tatlong pelikula sana ang ididirek ni Direk Joyce, ang My Little Bossings, Kimmy Dora: Ang Kyemeng Prequel at 10,000 Hours pero may regulasyon ang MMFF na isang pelikula lang dapat ilahok ng kada direktor.

Kaya napunta ang My Little Bossings ay Direk Marlon Rivera at si Chris Martinez naman ang nagdirek ng Kimmy Dora: Kyemeng Prequel.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Nabanggit namin ito dahil inamin ni Direk Joyce sa grand presscon ng My Big Bossing na maaga pa lang ay kinausap na siya nina Mr. Tony Tuviera (ATP Productions) at Bossing Vic Sotto na siya ang kukunin nilang direktor.

May iba pang gustong kumuha ng serbisyo niya pero nagsabi si Direk Joyce na may natanguan na niya ang My Big Bossing, Prinsesa episode.

First time makatrabaho ni Direk Joyce si Bossing Vic kaya inalam namin kung ano ang masasabi niya sa TV host/actor/ producer. Paano niya ito ikukumpara kay Robin Padilla na ilang beses na niyang nakatrabaho?

“Si Bossing (Vic), madaling kausap, hindi tumawad sa talent fee ko, wala akong masyadong hiningi sa produksiyon kasi ibinigay na nila. Alam nila ‘yung scope ng movie at napakasarap ng food sa set. Napaka-cool niya at considerate, ‘yan ang boss! Kaya siya bossing.

“Si Robin at si Bossing ay makatrabaho sana ng mga bagong direktor kasi sila ang nakakaintindi ng paggawa ng pelikula, kaya ang buong suporta nila ay buong-buo,” pahayag ng small but terrible director.

Pareho ba ng estilo sina Vic at Robin pagdating sa trabaho?

“Si Bossing cool! Si Robin passionate!” Sino ang mas gusto niyang katrabaho?

“Honest, pareho ko silang gusto, si Robin kaibigan, si Bossing kakaibiganin pa lang,” pag-amin ni Direk Joyce.

‘Yun nga lang hindi puwedeng ikumpara ang talent fee ni Direk Joyce sa My Big Bossing at 10,000 Hours dahil, “Sa 10,000 Hours, mas mahal talent fee ko kasi buong pelikula ‘yun, sa Bossing, 1/3 lang ng pelikula.”

Looking forward siyang makatrabaho ulit si Bossing Vic sa mga susunod nitong pelikula, at ganito rin ang sinabi ng huli dahil masusundan daw ang pagsasama nila, magaan at madaling kausap ang direktor at higit sa lahat, type ng TV host/actor/ producer ang sense of humor ni Binibining Joyce Bernal.

Hindi showbiz sumagot si Direk Joyce kaya parati namin siyang tinatanong kung maganda ang mga pelikulang ginagawa niya. Maganda ba ang “Prinsesa” episode ng My Big Bossing?

“Sapat lang, matino, sakto lang,” sagot niya.