DUMALO ako sa birthday party ng dalagita ng aking amiga na idinaos sa bahay nila. Naroon din ang iba ko pang amiga at nakabukod kaming mga isip-bata sa isang mesa. Nang humantong na sa paghihihip ng kandila sa birthday cake, nakapalibot na ang lahat ng panauhin sa mesa at nagsiawit ng “Happy Birthday To You”. At nang matapos ang awit, may nagsabi sa celebrant, “Mag-wish ka muna bago mo hipan ang mga kandila!” At iyon nga ang ginawa ng dalagita, at pagkatapos hinipan niya ang mga kandila na sinundan ng masigabong palakpakan. “Ano’ng wish mo?” tanong ng aking amiga sa kanyang anak. Sumagot ito ng “Sana maka-graduate ako nang walang problema.”

Halos lahat tayo ay naghahangad o gumagawa ng wish – kapag humihihip tayo ng mga kandila sa ating birthday cake o kapag nagku-krus tayo ng mga daliri o kapag nakakita tayo ng bulalakaw. Sinasabi natin “Sana mangyari na…” o “Sana makamtan ko na…” o “Sana…” Sinasabi natin iyon nang wakang kumpiyansa na mangyayari nga ang ating hinahangad. Ngunit hindi natin kailangang humihip ng kandila sa ating birthday cake o magkrus ng ating mga daliri o maghintay sa isang shooting star at upang magwish ng bonggang-bongga sapagkat ibibigay ng Diyos ang lahat ng kanyang ipinangako at tutuparin Niya iyon. Sa Kanya maaari tayong magtiwala nang lubusan, buo ang ating katiyakan, at kumbinsido tayong naroon ang kamay ng Diyos sa bawat aspeto ng ating buhay araw-araw. Makaaasa tayo na tutuparin niya ang Kanyang mga pangako. Anong mga pangako? Lahat: Pinangyayari Niya ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng mga nagmamahal sa Kanya. Lagi Niya tayong susubaybayan na may pagpapala at awa sa lahat ng araw; hindi Niya tayo iiwan, hindi pababayaan.

Hindi mo na kailangang mag-wish at maghintay kung tutuparin nga ng Diyos ang Kanyang mga sinabi. Maaari ngang hindi mo pa nararanasan ang katuparan ng ilan sa Kanyang mga pangako, ngunit Kapag nangako ang Diyos, wala nang tanung-tanong, walang kaduda-dudang tutuparin Niya iyon.

Ipagkatiwala natin ngayon ang ating buhay at lahat ng mahalaga sa atin sa Diyos na may tangan ng ating bukas, ano man ang mangyari; sapagkat tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako.
Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente