KINANTA sa misa isang linggo ng umaga ang awiting “Kaibigan”. Sa kalumaan ng naturang awitin, hindi na maalala kung sino ang nag-compose niyon. Kung nais mong marinig ang napakagandang awiting iyon, i-search mo na lang sa youtube.come sa tag na worship Song: Kaibigan. Ang sumusunod ay ang lyrics ng naturang awitin: Sa akin mo sabihin ang problema mo/ At magtiwala kang di ka mabibigo/ Kasama mo ako/ Sa hirap at ginhawa/ At magtiwala kang di ka magdurusa/ Kaibigan kita/ Kaibigan tuwina/ Sino pa ang tutulong sa ‘yo/ Kundi ang katulad ko/ Kaibigan mo ako.
Minsan sobra tayo kung mag-alala. Nagiging balisa tayo sa katiting bagay lalo na yaong wala tayong kontrol. At kahit idinalangin na natin sa diyos ang ating alalahanin, ilang saglit lang ay nag-aalala na tayo. Ganoon din naman ako dati. Hindi ko inisip na ang pag-aalala ay isang anyo ng paghamon sa responsibilidad ng diyos. Habang iniisip ko iyon, lalo kumikintal sa aking isipan na pag-aaksaya lamang ng lakas at panahon ang pag-aalala. Sabi nga sa kanta, “Sa akin mo sabihin ang problema mo/ At magtiwala kang di ka mabibigo/ Kasama mo ako/ Sa hirap at ginhawa/ At magtiwala kang di ka magdurusa”, meaning kapag nasabi mo na sa diyos ang iyong problema, wala ka na dapat ipinagaalala. Dapat na may tiwala tayo sa Diyos na gagawin Niya ang kanyang tungkulin, na higit pa sa pagtitiwala natin sa jeepney driver na ihahatid tayo sa abot ng ating pamasahe.
Ngunit sa awiting iyon, hindi nangangahulugan na hindi na natin gagawin ang ating mga responsibilidad. Ang alam natin, kailangang resolbahin natin ang lahat ng ating problema, at kapag hindi tayo nakaisip ng napakagandang solusyon, tiyak na mas malaki ang problemang ating haharapin.
Siyempre, responsibilidad natin ang sarili nating buhay. Ngunit nais ng diyos na magtiwala tayo sa Kanyang gabay. Kapag nagdatingan ang mga problema, ang una nating tungkulin ay ang idulog sa Kanya ang lahat ng iyon sa panalangin. Maaaring ipakita Niya sa atin na tayo mismo ang gumawa ng problema, at maaari ring hinihimok Niya tayong gumaba ng mga pagbabago upang maresolba ang mga iyon. Igagawad Niya ang kapatawaran at bibigyan tayo ng lakas upang magbago. May kapangyarihan ang diyos sa lahat ng bagay at ginagawa Niya nang mahusay ang Kanyang tungkulin. Hindi tayo mag-aalala kung hindi natin aagawin ang tungkulin ng Diyos.