Nakamit ng Emilio Aguinaldo College (EAC) ang kanilang ikatlong sunod na panalo makaraang gapiin ang Jose Rizal University (JRU) sa loob ng tatlong sunod na sets, 25-12, 25-17, 25-19, kahapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa NCAA Season 90 volleyball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Gaya ng dati, muling nanguna para sa Generals ang kanilang beteranong hitter na si Howard Mojica na nagposte ng 17 puntos, kabilang dito ang 14 hits at 3 blocks.
Nag-ambag naman ang kanyang mga kakampi na sina Keith Melliza at Israel Encina ng 13 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Dahil sa panalo, pansamantalang kumalas ang Generals sa dating pagkakabuhol nila sa 4-way tie sa pamumuno kasalo ang defending champion University of Perpetual Help, San Sebastian College (SSC) at event host Arellano.
Sa kabilang dako, namuno naman sa Heavy Bombers, na nalaglag sa ilalim ng standings matapos makalasap ng ikatlong sunod na pagkatalo, si Roden Pulongbarit na nagtala ng 10 puntos.
Ngunit hindi naman naging kasing-palad ng kanilang men’s team ang Lady Generals matapos na ma-upset ng JRU Lady Bombers sa isang dikdikang 5-setter, 25-22, 13-25, 25-22, 20-25, 15-12, na natapos sa loob ng 1 oras at 50 minuto.
Nagposte ng game high na 24 puntos si Maria Shola Alvarez na kinabibilangan ng 23 hits at 1 block para pamunuan ang nasabing panalo ng season host Lady Bombers, ang kanilang ikalawa sa loob ng tatlong laro.
Dahil dito, umangat sila sa solong ikalawang puwesto kasunod ng wala pang talo na Perpetual Help Lady Altas, San Sebastian Lady Stags at St. Benilde Lady Blazers.
Nag-ambag naman para sa nasabing panalo sina Rosali Pepito, Laela Lopez at Iris Olivero na nagtala ng 16, 15 at 11, ayon sa pagkakasunod.
Sa kabilang dako, namuno naman para sa Lady Generals, na bumaba sa barahang 1-2, si Charmille Belleza na nagsalansan ng 19 puntos kasunod si Nergina Pagdanganan na tumapos na may 15 puntos.