NASAKSIHAN ng mga residente sa 13 bayan at isang lungsod sa lalawigan ng Rizal ang liwanag at ningning ng mga Christmas Tree matapos na sabay-sabay na buksan ang mga ilaw nito noong Nobyembre 4. Pinangunahan ng mga mayor, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga opisyal ng barangay sa pagbubukas ng ilaw ng mga Christmas Tree na yari sa recycled materials. Karamihan sa mga Christmas Tree ay nasa harap ng munisipyo, plasa at municipal park.

Ang mga ginawang Christmas Tree na may 20 hanggang 25 talampakan ang taas ay ang lahok sa inilunsad na Rizal Inter-Town Christmas Tree Making and Town Hall Decorating Contest ng Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal. Ang timpalak ay kaugnay ng Ynares Eco System (YES) To Green Programa na flagship project ni Rizal Governor Rebecca Nini Ynares sa pakikipagtulungan ng Tourism Office ng Rizal Provincial Government. Ang paksa ng timpalak ay “Yes na Yes sa Paskong Makulay, Malinis”. Mapapansin sa bawat Christmas Tree sa Rizal ay may kanya-kanyang lumulutang na katangian. Sa Binangonan ay ang makulay na mga hugis-bulaklak at hugis isda na dekorasyon ng Christmas Tree. Sa Pililla ay hugis-pinya ang malaking Christmas Tree na simbolo ng One Town, One Product (OTOP) ng Pililla. Sa Tanay ay mapapansin na mga bao ng niyog ang isa sa mga ng palamuti sa Christmas Tree.

Sa Antipolo City, ang pagbubukas ng mga ilaw ng Chrismas Tree ay pinangunahan ni Antipolo City Mayor Jun Ynares III kasama ang mga mamamayan ng Antipolo at mga opisyal ng barangay Naging panauhin si Rizal Governor Rebecca Ynares. Sa pahayag ni Antipolo City Mayor Jun Ynares, sinabi niya na ang liwanag ay simbolo ng pag-asa. Sa hirap ng buhay, kahit paano ang nasabing simpleng selebrasyon ay nakapagdudulot ng saya sa kanyang mga kababayan. Ang pabubukas ng mga ilaw ng Christmas Tree ay isa nang pagbati ng Maligayang Pasko sa mga taga-Antipolo.

Ayon naman kay Rizal Gob Rebecca Nini Ynares, bahagi ito ng YES To Green Program na naglalayong ang mga basura ay ma-convert sa pera. Kaya, masaya ngayon ang kanyang mga kalalawigan sapagkat ngayon lamang sila nakakita ng ganito katataas at kagagandang Christmas Tree na hindi nila alam na lahat ng iyan ay recycled.
National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!