Kung ito na ang huling araw na ilalagi mo sa mundo, ano kaya ang gagawin mo?

Noong nasa kolehiyo pa ako, kasama sa curriculum ko ang paglilingkod sa ilang ahensiya ng pamahalaan o sa isang non-government organization. Napili ng aking grupo na magtungo sa Home for the Aged. Doon ay nakilala ko ang si Lola Matring na bukod sa masayahin na, kwentista pang katulad ko.

Matagal kaming nagkaulayaw sa kuwento at tawanan hanggang sa isang araw ay nalaman ko na lamang na siya ay pumanaw na. Hindi ko naman alam na siya pala ay may malubhang karamdaman at tunay nang nagdalamhati ako sa kanyang paglaho sa mundo. Sa totoo lang, naging bahagi na siya ng aking pagkatao dahil sa husay ng kanyang pagkukuwento (Sa kanya ko nalaman na puwede pala akong sumulat ng nobela). Kung alam ko lang na mawala siya agad, sana naibahagi ko sa kanya ang marami ko pang karanasan upang ihingi sa kanya ng payo. Sana…

Sa puntong ito, naiisip ba natin kung ito na nga ang huling araw na ilalagi natin sa mundo, ano ang gagawin natin? Siyempre, lagi namang may bukas para sa mga nakaligtaan nating gawin para sa ating mga mahal sa buhay kaya maaaring magkaroon tayo ng pangalawang pagkakataon upang gawing tama ang lahat ng ating pagkukulang o pagkakamali. Laging mayroon na namang isang araw para sabihin ang “mahal kita” at laging may bagong pagkakataon para sabihing “may maitutulong ba ako sa iyo?”

National

Unang oil price hike sa 2025, maaaring sumipa sa susunod na linggo

Ngunit kung halimbawang nagkakamali tayo at ngayon na lamang ang nalalabi nating pagkakataon, mag-aatubili ka pa bang sabihin ang nais iparating ng iyong puso? Bakit ka pa maghihintay ng bukas kung puwede mo nang sabihin ito ngayon? Huwag mo nang hintayin ang bukas, yakapin mo na ang iyong mahal ngayon.

Ayaw mong pagsisihan ang hindi paghahanap ng panahon upang kumpunihin ang nawasak na tulay ng pagkakaibigan, o tuparin ang isang hiling ng isang paslit sapagkat ang pagkakataong iyong ay ngayon.