KALIBO, Aklan – Natukoy ng Aklan Environment and Natural Resources Office (AKENRO) ang mataas na level ng coliform sa Aklan River.
Ayon kay Engr. John Kenneth Almalbis, ang mataas na coliform level ay nadiskubre sa bahagi ng Barangay Bachao Norte sa Kalibo, sa paligid ng Kalibo dumpsite.
Isinagawa ang pag-aaral base sa hiling ng Aklan River Development Council ng pamahalaang panglalawigan.
Matagal nang iniutos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapasara sa nasabing dumpsite pero hindi pa ito magawa dahil wala pang mapaglilipatan ng pagtatapunan ng basura ang Kalibo.
Ayon kay Almalbis, bagamat walang dapat ikabahala ay kailangan munang iwasan ng mga bata at mga may mahihinang resistensiya na maligo sa paligid ng dumpsite ng Aklan River.