Pinababawi ng prosekusyon sa korte ng Quezon City ang naipalabas nitong utos na pumapayag sa 17 pulis na akusado sa Maguindanao massacre na makapagpiyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Sa-15 pahinang motion for reconsideration, ipinasasantabi muna ng prosecution panel ang Omnibus Order na inilabas noong Oktubre 13 ni QCRTC branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes na nagpapahintulot sa mga akusadong pulis mula sa 1508th Provincial Mobile Group (PMG) ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na makapagpiyansa.
Iginiit ng prosekusyon na dapat busisiin munang mabuti ng korte ang mga naiharap nilang ebidensiya laban sa mga akusado para matiyak na hindi sila karapat-dapat na makapagpiyansa.