DUMADAGUNDONG ● Mapapansin mo rin, dumarami na ang turista sa ating bansa. Kahit yata saang sulok ng ating mahigit pitong libong isla, may turista. Natitiyak kong hindi lang ang kaakitakit na mga tanawin ang kinagigiliwan nilang puntahan at hangaan, kasama na rito ang iba’t ibang pagkain na tunay ngang bubuhay sa kanilang panlasa. Ngunit hindi lamang limitado sa mga tanawin at pagkain ang dahilan ng ipinupunta ng mga turista sa ating bansa, kundi ang mga aktibidad na nagpapakita ng ating tunay na kultura kung saan lutang na lutang ang ating pagka-Pinoy at pagkamalikhain. Dinadagsa ngayon sa lalawigan ng Kalinga ang “Awong Chi Gangsa” o “Sound of a Thousand Gongs” na kinabibilangan ng mahigit sa 1,000 mananayaw suot ng kanilang makukulay at magarbong katutubong pananamit habang sumasayaw sa ingay ng mga gangsa. Ito ay pagpapakita ng isang sinaunang kaugalian na naglalarawan ng pagkakaisa upangmaipagpatuloy ang adhikain ng kanilang mga ninuno. Hindi lamang natutuklasan ng mga turista ang tunay na kulay ng mga Pilipino kundi masaya pa silang nakapag-aral ng kakaibang lahing kayumanggi.
KALIKASANG INABUSO ● Sapagkat nagbibigay ng kumikitang kabuhayan ang pagdagsa ng mga turista sa bansa, kailangang magtulungan ang mga mamamayan, lalo na yaong mga nakatira sa mga heritage site, tourist destination, at mga protected area, upang huwag masira ang kalikasan at mapanatili ang natural na ganda at pagkadalisay nito. Ngunit sadyang walang pakisama ang iba nating kababayan at pinaiiral ang kanilang pagkamakasarili. Kamakailan lang, inaresto ang anim na treasure hunter kuno sa ilegal na pagmimina sa Mt. Isarog Natural Park sa Pili, Camarines Sur. Ang anim na lalaki ang naaresto ng matatalas at magigiting na alagad ng batas at naaktuhan ang mga ito sa pagmimina sa protected area. Nakumpiska ng pulisya sa mga treasure hunter ang iba’t ibang kasangkapan para sa paghuhukay. Maraming idinudulot na problema ang treasure hunting sa Mt. Isarog, kabilang na rito ang pagkasira ng kapaligiran na iniingatan at pinananatiling dalisay. Kaya naman mahigpit ang pagmamatyag ng mga awtoridad sa mga protekted area, hindi pinapayagan ang anumang aktibidad sa mga ito at agad na hinuhuli at kinakasuhan ang mga lumalabag.