Naghihimutok si Vice President Jejomar Binay na siya raw ay “ipinapako sa krus” ng kanyang mga kalaban sa pulitika. Ang himutok ay ipinahayag ni Binay sa harap ng mga boy scout kaugnay ng opening ceremony ng Philippine Scouting Centennial Jamboree for Luzon na ginanap sa Boys Town Complex sa Marikina City noong Martes.

Ang “pagpapako sa krus” ni VP Binay ay bunsod ng mga alegasyon hinggil sa kurapsiyon na kanyang kinasasangkutan partikular ng umano ay overpriced na Makati City Parking Building at 350-hectare na Hacienda Binay sa Rosario, Batangas. Bulong na parang bubuyog ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Akala ba ni VP Binay ay para siyang si Kristo na ipinako ng mga Hudyo dahil pag-angkin Niyang Siya ay tunay na anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sangkatauhan na lublob sa pagkakasala?” Sudsod naman ni Tata Berto: “Dapat isipin ni Mr. Binay na tatlo ang ibinayubay sa krus sa Golgota na kasama si Kristo. Ang dalawa ay pusakal na magnanakaw, sina Dimas at Hestas. Ang dalawang magnanakaw ay ipinako rin sa krus.”

Walang rekord sa University of the East Ramon Magsaysay (UERM) Medical Memorial Center na si ex-Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado ay naospital taliwas sa pagbubunganga ni Atty. JV Bautista, isa sa spokesman ni VP Binay. Nag-akusa ng mukhang laging galit na si Bautista na nang maospital daw si Mercado sa UERM, sugod agad si DILG Sec. Mar Roxas para siya dalawin.

Nais ni Bautista at mga kaalyado ni VP Binay na isangkot si Roxas sa usapin at siya umano ang utak sa OPLAN: Stop Nognog sa 2016 kung kaya katakut-takot ang paninira sa Pangalawang Pangulo upang madiskaril ang kanyang ambisyon sa 2016. Sa pahayag ni Dr. Maribeth delos Santos, medical director ng UERM, si Mercado ay hindi kailanman na-confine sa ospital.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sino ngayon ang sinungaling? Mga kababayan, may kasabihang “ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw.” Eh sino ba ngayon ang magnanakaw ng kaban ng yaman ng mamamayan na lubog sa kahirapan, di makakain ng tatlong beses maghapon samantalang ang mga pulitiko at lider ng Pinas ay namumunini sa sangkaterbang pera.

Siyanga pala, kahapon ay nagdiwang ng kaarawan ang aking panganay. Siya ngayon ay nasa Singapore. Happy Birthday!