Mga laro ngayon:

(FilOil Flying V Arena)

12:45 p.m. – Systema vs IEM (men’s crown)

2:45 p.m. – Cagayan vs Army (women’s crown)

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kahit may balitang hindi maglalaro ang guest players ng kalaban na sina Dindin Santiago at Mina Aganon, ayaw magkumpiyansa ng Cagayan Valley na maging magaan ang laban nila ngayon ng Philippine Army para sa titulo sa kababaihan ng Shakey’s V-League Season 11 Third Conference sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Nais ni Lady Rising Suns coach Nestor Pamilar na magpokus ang kanyang mga player sa laban at tuluyan nang tapusin at mawalis ang kanilang best-of-3 finals series sa muli nilang pagtutuos ng Lady Troopers ngayong alas-4:00 ng hapon.

Sa pamumuno ng kanilang Thai imports na sina Amporn Hyapha at Patcharee Saengmuang na nakapag-adjust na rin sa kanilang setter na si Chie Saet, nakuhang wakasan ng Lady Rising Suns ang naging dominasyon sa kanila ng Lady Troopers ngayong season sa pamamagitan ng kanilang panalo sa Game 1 matapos ang unang dalawang kabiguan sa double round eliminations.

“Nagkakahulihan na ng laro si Saet at ‘yung spikers namin lalo ‘yung dalawang Thais,” pahayag ni coach Pamilar na umaasa ring magagawa nilang samantalahin ang hindi paglalaro nina Santiago at Aganon para sa Lady Troopers dahil sa naunang commitment ng mga ito sa kanilang mother team sa Super Liga na Petron na may laro rin ngayong hapon.

“Sabi nga hindi daw maglalaro, pero siyempre hindi naman ibig sabihin hindi na kami maghahanda nang husto. Gusto na namin na matapos ito kasi kung makakabalik pa ang Army, siguradong mahihirapan na kami sa Game Three,” dagdag pa ni Pamilar.

Sa kabilang dako, umaasa naman si Army coach Rico de Guzman na posibleng maging maganda pa ang kalabasan ng pagkawala ng dalawang dating National University (NU) players.

“Chance na ito para doon sa iba pa naming players to step-up,” pahayag ni De Guzman.

Sa pagkawala nina Santiago at Aganon, aasahan ni De Guzman ang iba pa niyang mga beteranong player na sina Jovelyn Gonzaga, Nerissa Bautista, Mary Jean Balse, Joanne Bunag, Sarah Jane Gonzales, libero Christine Agno at ace setter Tina Salak.

Samantala, sa unang laro, gaya ng Cagayan, tatangkain din ng System Tooth and Gum Care na tapusin na ang kanilang sariling finals series ng Instituto Estetico Manila sa men’s division.

Inaasahan ni Active Smashers coach Arnold Laniog na muli nilang magagamit ang bentahe nila sa height na naging susi para sa kanilang epektibong blocking sa Game 1 na tumapos din sa naunang dominasyon sa kanila ng Volley Masters sa eliminations.

Gaya sa unang laban sa finals, aasahan ni Laniog ang tambalan nina Chris Macasaet at Rocky Honrade sa net na susuportahan naman nina Patrick Rojas, Angelo Espiritu at Christopher Antonio.

Ngunit tiyak namang hindi magpapatalo na lamang ang Volley Masters ni coach Ernesto Balubar na sasandig naman kina MVP Jeffrey Jimenez kasama ang mga kakamping sina Karl dela Calzada, Rudy Gatdula, Jason Canlas, Salvador Timbal at Michael Conde para sa hangad nilang pagbawi at paghirit ng knockout match.