Nakalusot ang Cagayan Valley sa naakambang upset sana ng baguhang Bread Story-Lyceum, 97-94, upang makasalo sa liderato ng Jumbo Plastic Linoleum kahapon sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Mula sa 11 puntos na pagkakaiwan sa third quarter, 62-73, nakuhang tapyasin ng Bread Story ang bentahe sa single digit sa unang pagkakataon kasunod ng kanilang 10-4 run na pagbubukas ng fourth quarter, 72-67, na pinagbidahan ni NCAA Season 90 Rookie of the Year at Defensive Player Joseph Gabayni, may 6:58 pa ang nalalabi sa orasan.

Kasunod nito, naibalik ng Rising Suns sa double digit ang bentahe, 87- 75, makaraang gumanti ng 10-3 run na tinampukan ng back-to-back triples nina Don Trollano at Fil-Am Abel Galliguez, may natitira pang 4:10 sa oras.

Ngunit hindi nawalan ng loob ang Lyceum at muling humabol sa pamumuno ni Gabayni katulong ang dating University of the Philippines (UP) guard na si Michael Gamboa para idikit ang iskor sa 89-93, may 1 minuto at 20 segundo ang natitira sa laro.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Buhat doon, dalawang beses pa nilang naibaba sa 3 puntos ang kalamangan ng Rising Suns, una matapos ang undergoal stab ni Gabayni, may 25.1 pang nalalabi sa oras, at ang pinakahuli ay matapos ang isang 3 pointer ni Jeb Bulawan, 10.7 segundo na lamang ang nakatala sa orasan.

May pagkakataon pa sana silang makatabla matapos matawagan ng stepping violation si Randy Dilay, ngunit nagmintis ang ipinukol na 3 pointer ni Louie Vigil na dapat sana’y maghahatid sa laro sa extension.

“Iyon kasi ang kulang sa amin, wala kaming matatawag na lider, magaling kami sa first three quarters pero pagdating sa huli doon kami nawawala, nagkakanyakanya,” pahayag ni Mabulac na tumapos na top scorer para sa Rising Suns sa itinalang 24 puntos at 8 rebounds.

Nanguna naman para sa Bread Story na bumaba sa barahang 0-2 si Gabayni na may game high 27 puntos at 9 rebounds.